Ang Kapalaran ng Mapagpakumbaba sa Ama
Published in God's Message (Pasugo) Oct 2007
“Kung gayon, isuko ninyo ang inyong sarili sa Dios. … Lumapit kayo sa Dios at siya’y lalapit sa inyo. … Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.”
- Santiago 4:7, 8, 10, New Pilipino Version
“IKAW ANG AKING PANGINOON, kung hindi sa iyo, walang bagay na mabuti sa akin” (Awit 16:2, New Pilipino Version). Ito ang buong pusong ipinahayag ni Haring David ng Israel sa Diyos. Ito rin ang pagkakilala ng lahat ng tunay na lingkod ng Diyos sa lahat ng panahon. Palibhasa’y nauunawaan nilang isang dakilang kapalaran ang maging malapit sa Ama, lalo na kapag nahaharap sila sa mga kahirapan, panganib, karahasan, kasamaan, at mga kasawian.
‘Isuko ang sarili at magpakumbaba’
Nagbigay ang Diyos ng mga kondisyon upang matamo rin natin ang Kaniyang basbas, pagtulong, at pagpapala. Kabilang sa mga kondisyong iyon ang pagsuko at pagpapakumbaba sa Kaniya. Ganito ang pahayag ng Banal na Kasulatan:
“Kung gayon, isuko ninyo ang inyong sarili sa Dios. …Lumapit kayo sa Dios at siya’ya lalapit sa inyo. … Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.” (Sant. 4:7, 8, 10, Ibid.)
Hindi nangangahulugang inaalisan tayo ng Diyos ng kalayaan; katunayan ay may free will tayo o kalayaang magpasiya kung susunod tayo o hindi, na katumbas na rin ng pagpili ng ating kapalaran. Ganito ang sabi Niya:
“Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. … inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal.” (Deut. 30:15, 19, Magandang Balita Biblia)
Ang pagpili sa buhay at pagpapala ay sa paraang lumakad tayo sa landas na iniaalok Niya:
“Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig si Yahweh, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. …” (Deut. 30:16-18, Ibid.)
Kaya, masama na ang sarili lamang natin ang ating sinusunod. Kapag ginawa natin ang anumang ating magustuhan kahit labag sa kalooban ng Diyos ay hindi tayo makatutugon sa kondisyong inilagda Niya upang tayo ay pagpalain.
Halimbawa ng nagpakumbaba sa Diyos
Upang lalo nating maunawaan kung paano ang pagsuko at pagpapakumbaba sa Diyos at kung gaano ito kahalaga, tingnan natin ang nangyari kay Job na isa sa mga lingkod Niya noong una. Hindi pangkaraniwan ang mga kasawiang dumating kay Job. Sa isang iglap, nawala ang buo niyang kabuhayan, sa isang sakuna lamang ay sabay-sabay na namatay ang lahat ng mga anak niya, at nagkasakit siya nang malubha. Sa kabila ng mga pangyayaring ito, pinuri at sinamba pa rin niya ang Diyos at sinabi:
“… Ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.” (Job 1;21)
Sinulsulan pa siya ng kaniyang asawa na nagsabing, “…Sumpain mo na ang Diyos nang mamatay ka na!” (Job 2:9, MB). Sinaway siya ni Job at ang sabi’y:
“… Hindi mo nalalaman ang iyong sinasabi. Kaginhawahan lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos at hindi pati kahirapan? …” (Job 2:10, Ibid.)
Sa harap ng sunod-sunod na kalamidad at kapighatian ay hindi sumuko si Job. Hindi niya tinalikuran ang Diyos. Inunawa niya na ang lahat ng nangyari ay pagsubok sa kaniya ng Diyos upang siya’y dalisayin:
“… Kahit na subukin n’ya, ako’y parang gintong lantay. Pagkat tinalunton ko ang kanyang tuntunin, At sa ibang landas, hindi ako bumaling. Ako’y hindi lumabag sa Kautusan ng Diyos, At ang kanyang kalooban ang aking sinusunod.” (Job 23:10-12, Ibid.)
Sa tindi ng kaniyang pananalig sa ipinangako ng Diyos na pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan ay sinabi ni Job:
“Alam kong di natutulog ang aking Tagapaglitas Na sa aki’y magtatangol pagdating noong wakas. Pagkatapos na maluray itong aking buong balat, Ang Diyos ko’y mamamalas kahit laman ay maagnas. Siya’y aking mamamasdan at mukhaang makikita …” (Job 19:25-27, Ibid.)
Kaya naman pagkatapos subukin ay muling pinagpala ng Diyos si Job. Binigyan siya ng mga tinatangkilik na higit pa sa mga nawala sa kaniya. Pinagkalooban siya ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, at nabuhay pa ng 140 taon (Job 42:12-16). Lahat ng ito ay tinamasa ni Job sapagkat natuto siyang magpakumbaba at ipaubaya o isuko nang lubos ang sarili sa Diyos.
Ang di nakapanindigan
Sa kabilang dako, may mga taong tinuruan ng mabuti at nagkaroon ng magandang kalagayan noong una subalit hindi natugunan ang kondisyong ibinigay sa kanila ng Diyos. Kaya hindi nakapanatili sa Kaniyang pagpapala. Ang halimbawa nito ay ang mga Israelita sa pangunguna ng kanilang haring si Saul. Sinabi ni Propeta Samuel sa kanila:
“Kung magkakaroon kayo ng takot sa PANGINOON, paglilingkuran siya, susundin at hindi kayo maghihimagsik laban sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang haring mamamahala sa inyo ay susunod sa PANGINOON ninyong Dios – mabuti!” (I Sam. 12:14, NPV)
Paano nahayag na hindi natugunan ni Saul at ng mga Israelita ang kondisyong ito? Nahayag ito nang sila’y nasa gitna ng kagipitan nang sila’y nakikipagdigma sa mga Filisteo. Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, nag-ipon ng lakas at pinaghandaan nila ang pagsalakay sa mga Israelita. Nang makita ng mga Israelita ang mapanganib nilang kalagayan, sila’y labis na natakot kaya sila’y tumakas at nagsipagtago, bagaman may pangako ang Diyos sa kanila (I Sam. 13:1-8).
Noon, bago makapagdigma ang Israel ay sumamba muna sila sa Diyos. Pitong araw nilang hinintay si Samuel na saserdote ng Diyos upang siyang maghain ng handog na susunugin. Bago pa man siya dumating ay isa-isa nang umalis ang mga tauhan ni Saul dahil sa malaking takot sa mga Filisteo. Dahil sa malaking kagipitan at pagkainip, pinangahasan ni Saul na gawin ang hindi niya karapatan – siya na ang naghain ng handog na susunugin (I Sam. 13:1-13).
Napakasama ng ginawa ni Saul na pagsuway sa utos ng Diyos at maging ng kawalan ng pagtitiwala ng mga Israelita sa Diyos sa panahon ng kagitpitan. Sinabi ni Samuel kay Saul:
“… Malaking kahangalan ang ginawa mo. Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Dios. Kung sinunod mo lang, sana ay napatatag mo sa habang panahon ang paghahari mo sa Israel. Ngunit ngayon, hindi mananatili ang iyong paghahari. …” (I Sam. 13:13-14, NPV)
May iba pang mga paglabag si Saul na ikinagalit ng Diyos. Kaya, masaklap ang kaniyang naging wakas. Nagpakamatay siya nang tiyak na niyang malulupig sila ng kaaway; pinugot pa ng mga kaaway ang kaniyang ulo at inilagay ang kaniyang bangkay sa isang pader (I Sam. 31:1-13). Ang malaki niyang kamalian at kasalanan ay hindi siya natutong sumuko at magpakumbaba sa Diyos.
Huwag tutulan ang kalooban Niya
Ang isa pang napakasamang gawin ng sinuman ay ang tutulan o kuwestiyunin ang pasiya o kalooban ng Diyos. Ganiyan ang ginawa ni Jonas, isang lingkod sa Diyos sa panahon ng mga propeta. Nang hindi ituloy ng Diyos ang paglipol sa mga taga- Nineve dahil sila, sa pangunguna ng kanilang hari, ay nagsisi, nag-ayuno, at tumalikod sa kanilang kasamaan (Jon. 3:1-10) ay hindi nagustuhan ni Jonas at ikinagalit pa ang pasiya ng Diyos (Jon. 4:1). Ito pa ang pagkakamali ni Jonas: tuwing magkakaroon ng problema at ang pasiya ng Diyos ay hindi Niya magustuhan, ang bukambibig ay gusto na niyang mamatay. Kinukuwestiyon ang kapasiyahan ng Diyos na wari’y marunong pa siya sa Kaniya na Makapangyarihan sa lahat (Jon. 4:1-11, MB).
Bakit walang karapatan ang sinuman na pangunahan o kuwestiyunin ang ipinapasiya ng Diyos? Ganito ang sabi Niya:
“… Ang aking isipa’y di ninyo isipan, At magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit Higit na mataas, mataas sa lupa, Ang daa’t isp ko’y Hindi maaabot ng inyong akala.” (Isa. 55:8-9, Ibid.)
Ang kapasiyahan o kalooban ng Diyos ang dapat maghari sa ating lahat. Ngunit, hindi ito mangyayari kung hindi natin isusuko ang ating sarili sa Diyos at magpapakumbaba sa Kaniya. Kahit may pagkakataon na may balak o panukala tayo na hindi Niya pinapangyayari, o kaya’y may hinihiling tayo na hindi Niya ibinibigay, o kahit pa may mga itinutulot Siyang mangyari sa buhay natin na hindi ayon sa ating sariling gusto at panukala, huwag nating isiping inaapi Niya tayo. Ang mahalaga ay sundin nating lagi ang Kaniyang kalooban. Ito ay kahayagan ng pagpapakumbaba sa Kaniya at ng pagkilalang Siya na Lumalang ang tunay na nakaaalam ng ating ikabubuti.
Ang dapat unahin
Suriin natin: Sa larangan ng pagrerelihiyon, natupad na ba natin kung ano ang kapasiyahan o kalooban ng Diyos na dapat nating sundin? Mahalaga ito dahil sa panahong ito ng kabalisahan, kagipitan, at kahirapan ay may mga nagsasabing hindi na kailangang sumunod sa Diyos at kay Cristo. Ang sariling kabuhayan na lamang daw ang pagbuhusan ng buong magagawa. Ito ay mali. Narito ang kalooban ng Diyos na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo:
“… Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakanin at iinumin, ni ang inyong daramtin. Ang buhay ay higit sa pagkain, at ang katawan sa pananamit. … Huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin at daramtin. …Alam ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Datapuwat hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang mga bagay na ito’y idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:25, 31-33, NPV)
Sa halip na mabalisa sa buhay at ang pagbuhusan na lamang ng panahon ay ang paghahanap ng makakain, maiinom, maisusuot, at matitirhan, ang dapat unahin, ayon sa Panginoong Jesus, ay ang paghanap sa kaharian at katuwiran ng Diyos. Ang kahariang ito ay ang kaharian ng Anak o ng Panginoong Jesuscristo na Kaniyang tinubos, kaya’t ang mga naroon ay napatawad na sa kasalanan, ligtas, at mga tagapagmana ng mga pangako ng Diyos (Col. 1:12-14, Ibid.). Ang Iglesia ni Cristo ang binili o tinubos ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28, Lamsa Translation). Ito ang kahariang dapat na hanapin muna ng tao. Ang katuwiran naman na dapat ding ipagpaunang hanapin, na kung tutuparin ay ikaliligtas, ay ang ebanghelyo (Roma 1:16-17).
Aanhin natin ang lahat ng katangian, kayamanan, at tinatangkilik na panlupa kung mapaparusahan naman tayo sa dagat-dagatang apoy? Kaya, marapat lamang na isuko natin ang ating sarili sa kalooban ng Diyos. Ipagpauna natin ang pag-anib at pananatili sa tunay na Iglesia, at ang pagsunod sa ebanghelyo – ito ang ating ikaliligtas at ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan. Sa kabilang dako ay mapapahamak (Jer. 6:16, 19, MB) tayo kapag tinaggihan natin ang pasiya o kagustuhan ng Diyos.
<< Home