Ang Pagtalikod Sa Iglesiang Itinayo Ni Cristo Noong Unang Siglo
Published in Pasugo, Sept-Oct 1988
Patotoo ng Biblia at ng Kasaysayan
KINIKILALA AT TINATANGGAP ng mga relihiyong tinaguriang Cristiano, na ang Panginoong Jesucristo ay nagtayo ng Iglesia na tinawag ng Kaniyang mga Apostol na Iglesia ni Cristo (Mat. 16:18; Roma 16:16). Mula sa kalagayan nito sa pasimula na “munting kawan” (Luk. 12:32), sa dako ng mga Judio, ang Iglesiang ito, sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Apostol, ay lumago at dumaming lubha sa kabila ng mga pag-uusig na kanilang nasagupa (Gawa 8:1; 6:7)
Subalit ano ang nangyari sa Iglesiang ito pagkatapos ng panahon ng mga Apostol? Nakapagpatuloy kaya ito sa kaniyang dating kalagayan na gaya noong pinangangasiwaan pa ito ni Cristo at ng Kaniyang mga Apostol?
Sa paniniwala ng Iglesia Katolika, ang Iglesiang iniwan ng mga Apostol ay namalagi at nagpatuloy nang walang lagot hanggang sa panahong ito. Ito raw ay walang iba kundi ang tinatawag at kinikilala ngayon na Iglesia Katolika. Inaangkin nilang gayon dahil ang Iglesia Katolika raw, kung susuysuyin ang kaniyang kasaysayan sa pamamagitan ng talaan ng mga papa at mga obispong nangasiwa sa kaniya, ay matutunton pabalik hanggang sa panahon na kasunod ng mga Apostol. Ang pagkakasunod nga kaya ng mga obispo ng Iglesia Katolika sa panahon ng mga Apostol ay katunayan na ito nga ang Iglesiang itinayo ni Cristo at pinangasiwaan ng mga Apostol?
Wala nang pinakamabuting sanggunian ukol dito kundi ang mga katotohanang nakasulat sa Biblia at ang patotoo ng kasaysayan at hindi ang pala-palagay o pag-aangkin lamang ng sinuman.
Ibinabala Ng Mga Apostol
Bago pa namatay ang mga Apostol at bago pa umakyat sa langit ang ating Panginoong Jesucristo ay may mga paunang pahayag o mga hula na sila tungkol sa mangyayari sa Iglesia na itinayo ni Cristo. Sa sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ay binanggit niya ang tungkol ditto:
“Nguni’t hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio…” (I Tim. 4:1)
Ibinabala ni Pablo ang magaganap na pagtalikod sa pananampalataya. Ang babala o hulang ito ay kaniya ring inihayag sa pulong ng mga Obispo sa Mileto:
“Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:30, Magandang Balita)
Ang ibig sabihing matatalikod sa pananampalatay ay maliligaw ang mga alagad dahil iba na ang kanilang susundin. Ang susundin na nila ay ang magtuturo ng kasinungalingan at hindi na ang dati nilang sinusunod – ang Panginoong Jesucristo:
“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27, Ibid.)
Si Cristo ang sinusunod ng mga tunay Niyang alagad. Kaya ang humiwalay sa pagsunod sa Kaniya ay naligaw o natalikod sa pananampalataya.
Subalit ang mga alagd na maliligaw o matatalikod ay hindi naman sinasabing aalis sa organisasyon. Alinsunod sa sinabi ni Pablo, maliligaw o matatalikod ang mga alagad dahil nakinig sila sa itinurong kasinungalingan (Gawa 20:30 Ibid.). Ang mga kasinungalingang ito ay mga aral o doktrina na kapag tinanggap ng mga alagad ay makasisira sa kanilang pananampalataya:
“…Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitin nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya’t biglang darating sa kanila ang kapahamakan.” (II Ped. 2:1, Ibid.)
Ito rin ang binabanggit ni Pablo sa kaniyang sulat kay Timoteo (I Tim. 4:1) na aral ng demonio na susundin ng mga tatalikod sa pananampalataya. Ang nakalulungkot sa pangyayaring ito ay ang katotohanang sa loob din ng Iglesia, ayon kay Apostol Pablo, magmumula ang magtuturo ng kasinungalingan na kung tawagin ni Apostol Pedro ay mga bulaang guro (II Ped. 2:1).
Ang pagtalikod ba sa pananampalataya ay magaganap sa ilang kaanib lamang ng Iglesia na gaya ng sinasabi ng mga awtoridad Katoliko? Gaano karami ang maililigaw ng mga bulaang guro o mga bulaaang propeta? Sa Mateo 24:11 ay ganito ang hula ni Cristo:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
Samakatuwid, marami sa mga kaanib sa unang Iglesia ang maliligaw o matatalikod dahil sa pagsunod sa maling aral na itinuturo ng mga bulaang propeta.
Subalit kapag sinabing natalikod ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo ay hindi nangangahulugan na nawala ang mga kaanib nito o naglaho ang organisasyon. Nagpatuloy ang organisasyon subalit wala na sa kaniyang dating uri sapagkat humiwalay na ito sa mga aral ni Cristo at sumunod sa mga aral ng demonio na itinuro ng mga bulaang propeta. Samakatuwid, naganap na ang pagtalikod.
Ang pananatiling umiiral ng organisasyon ay hindi katunayan na hindi natalikod ang Iglesia. Katulad lamang ito ng naganap sa unang bayan ng Diyos, ang baying Israel, na bagaman noong una ay kinikilalang bayan ng Diyos at may kahalalan upang maglingkod sa Kaniya, ay tumalikod din sa pamamagitan ng pagsalangsang sa mga utos ng Diyos.
“Ang buong Israel ay nagkasala sa iyo, tumalikod sa iyong kautusan at hindi nakinig sa iyong tinig….” (Dan. 9:11, MB)
Ang Israel ay natalikod hindi dahil nawala ang organisasyon o nawala ang mga tao nito. Ito ay natalikod dahil sa paghiwalay sa mga utos ng Diyos. Buo ang organisasyon ngunit wala na sa kaniyang dating uri at katangian.
Panahon Ng Pagtalikod
Kailan magaganap ang pagtalikod sa Iglesia o ang pagpasok dito ng mga maling aral na nakasira sa pananampalataya ng mga alagad? Sa Gawa 20:29-30 ay mababasa ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Ibid.)
Tinitiyak ni Apostol Pablo na pag-alis niya ay saka papasukin ng mga “asong-gubat” ang Iglesia at mula na rin dito ay lilitaw ang mga magtuturo ng kasinungalingan upang iligaw o italikod ang mga alagad. Ang pag-alis na binabanggit ni Pablo ay isang pag-alis na hindi na siya muling makikita ng mga kapatid na noon ay kasama niya, alalaong baga’y ang kaniyang kamatayan (Gawa 20:25; II Tim. 4:6).
Kung gayon, magaganap ang pagtalikod sa Iglesia pagkamatay ng mga Apostol o pagkatapos ng panahon nila. Bakit pagkamatay pa ng mga Apostol maisasagawa ng mga bulaang propeta ang pagliligaw sa mga alagad? Bakit hindi nila ito nagawa noong nabubuhay pa ang mga Apostol? Sa Galacia 2:4-5 ay ganito ang mababasa:
“At yaon ay dahil sa mga hindi tunay na kapatid na ipinasok ng lihim, na nagsipasok ng lihim upang tiktikan ang aming kalayaan na taglay naming kay Cristo Jesus, upang kami’y ilagay nila sa pagkaalipin: Sa mga yaon ay hindi kami napahinuhod na supilin kami, kahit isang oras; upang ang katotohanan ng evangelio ay manatili sa inyo.”
Sa harap ng paninindigang ito ni Pablo, hindi kataka-taka na ang pagtalikod ay maganap sa panahong wala na sila. Kailanman at buhay ang mga Apostol, hindi nila papayagang pigilin sila ng mga kaaway ng pananampalataya upang manatili ang ebanghelyo sa Iglesia.
Nangangahulugan ba na pagkamatay ng mga Apostol ay wala manlamang nanindigan at namalagi sa tunay pananampalataya? Ang lahat kaya ng mga kaanib noon ay pawang tumalikod? Mahalagang masagot ang mga katanungang ito sapagkat kung may nanatili sa tunay na pananampalataya at hindi humiwalay sa mga dalisay na aral ni Cristo ay masasabing hindi lubusang natalikod ang Iglesia.
Ano ang ibinabala ni Cristo na daranasin ng Kaniyang mga alagad tangi sa ang marami sa kanila ay ililigaw ng mga bulaang propeta? Sa Mateo 24:11,9 ay ganito ang nakasulat:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.
“Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin:…”
Ayon sa hulang ito ng Panginoong Jesucristo, hindi lamang maililigaw ang marami Niyang mga alagad kundi ang iba ay papatayin. Hindi nakapagtataka kung pagkamatay ng mga Apostol ay ibang Iglesia na ang masumpungan natin sa mga tala ng kasaysayan sapagkat kung mayroon mang nanindigan sa tunay na pananampalataya ay pinatay naman ng bagsik ng pag-uusig. Sino ang mga naging kasangkapan sa pagpatay at pagsila sa mga tunay na kaanib sa Iglesia? Sa Gawa 20:29 ay tiniyak ni Pablo ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.” (MB)
Ang tinutukoy na mga asong gubat na magiging kasangkapan sa lubusang pagtalikod ng Iglesia ay mga pinuno:
“Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima…” (Ezek. 22:27, Ibid.)
Ang isa sa tinutukoy ng Biblia na mga asong-gubat ay ang masasamang pinuno na gaya ng mga hari at emperador “ na lumalapa ng kanilang biktima.” Tangi sa mga pinuno ng bansa na umusig sa Iglesia, sino pa ang itinulad ng Biblia sa mga asong-gubat? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesucristo:
“ ‘Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta; nagsisilapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat’.” (Mat. 7:15, Ibid.)
Maging ang mga bulaang propeta na nagtuturo ng aral ng demonio ay itinutulad din ng Biblia sa asong-gubat. Sila ang mga naging kasangkapan hindi lamang upang iligaw ang mga alagad at pasunurin sa maling aral kundi upang ang mga ito ay patayin o silain. Madali nating malalaman kung sino ang kinatuparan ng ibinabala ni Cristo na magtatalikod sa Kaniyang Iglesia dahil sinabi rin Niya kung ano ang ating ikakikilala sa kanila, ”…mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa,…”
Kung gayon, makikilala ang mga bulaang propeta na nagpasok ng mga hidwang aral sa Iglesia. Sila ay nakadamit tupa. Sa Biblia, si Cristo ang ipinakikilalang cordero o tupa (Juan 1:29). Samakatuwid, ang mga bulaang propeta ay tumulad sa pananamit ni Cristo. May mga tagapagturo ng relihiyon na nagdaramit nang katulad ng damit ni Cristo. Sa aklat na pinamagatang Siya Ang Inyong Pakinggan: ‘Ang Aral Na Katoliko’ na sinulat ng paring si Enrique Demond ay ganito ang nakasulat sa pahina 195:
“Ang paring gayak sa pagmimisa ay nakatulad ni Jesucristo noong umakyat sa bundok ng Kalvario…”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga sumunod sa panahon ng mga Apostol ay ang mga Obispo at mga papa ng Iglesia Katolika dahil sila mismo ang ibinabala ng mga Apostol na mga taong magsasagawa ng pagtalikod sa Iglesiang itinayo ni Cristo. Sila ang mga nagpasok at nagturo ng mga maling aral na ikinaligaw o ikinatalikod ng Iglesia.
Patotoo ng Kasaysayan
Ang mga natalang pangyayari sa kasaysayan ang magbibigay sa atin ng mga kaalaman upang mabatid at matiyak natin ang naganap sa Iglesia pagkatapos ng panahon ng mga Apostol. Natupad ba ang ibinabala ng mga Apostol na ang Iglesia ay papasukin ng mga maling aral? Sa isang aklat na pangkasaysayan na pinamagatang World’s Great Events, Vol II. Pp. 163-164, ay ganito ang mababasa:
“Noong una, ang kasaysayan ng Iglesia Romana ay katulad ng kasaysayan ng katotohanan ng Cristianismo. Datapuwat nakalulungkot na dumating ang panahon nang magsimulang dumaloy ang mga batis ng lason mula doon sa nang una’y dalisay na bukal.” (salin sa Pilipino)
Pinatutunayan ng kasaysayan ang pagdaloy sa Iglesia ng mga lasong aral na ikinamatay ng pananampalataya ng mga kaanib nito. Ang pangyayaring ito ay naganap alinsunod sa panahong ibinabala ng mga Apostol – pagkamatay nila o pagkatapos ng panahon nila magaganap ang pagtalikod ng Iglesia. Kung ang larawan ng Iglesiang ipinakikita ng mga tala ng kasaysayan pagkatapos ng panahon ng mga Apostol ay katulad din ng larawan nito sa kanilang kapanahunan, masasabi nating hindi natupad ang pagtalikod na kanilang ibinabala. Subalit ayon na rin sa patotoo ng kasaysayan, ano kayang uring Iglesia ang masusumpungan pagkatapos ng mga Apostol? Sangguniin natin ang isa pang akat na tumatalakay sa kasaysayan ng Iglesia, Story of the Christian Church, p. 41:
“Sa loob ng limampung taon pagkamatay ni Apostol Pablo ay isang lambong ang nakatabing sa buong Iglesia, na sa loob nito ay sinisikap nating may kabiguan ang makaaninaw, at sa wakas pagkahawi ng tabing na ito, 120 A.D., sa pamamagitan ng sulat ng tinatawag na mga unang ‘Ama ng Iglesia’ ay matatagpuan natin ang isang Iglesia na sa lahat ng bahagi ay ibang iba na sa Iglesia sa kapanahunan nina Apostol Pedro at Pablo.” (salin sa Pilipino)
Hindi pa nalalaunan ang pagkawala ng mga Apostol, ang Iglesia ay wala na sa dati nitong uri. Pinatutunayan ng kasaysayan na may limampung taon pa lamang ang nakalipas pagkamatay ng mga Apostol, ay ibang iba na ang Iglesia sa lahat ng bahagi. Ano ang ilan sa mga aral na hindi naman itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga Apostol subalit ipinasok ng mga bulaang propeta sa Iglesia?
Makagagawa tayo ng isang mahabang talaan ng mga maling doktrina na nagsimulang lumitaw pagkatapos ng panahon ng mga Apostol, mga doktrinang unti-unting ipinasok sa Iglesia at naging sanhi kaya naligaw o natalikod ang tunay na Iglesia na kinalaunan ay naging Iglesia Katolika.
Bawat paghiwalay sa mga aral ng Diyos na itinuro ni Cristo ay pagtalikod sa pananampalatay at ang pagsunod sa mga maling doktrina na itinuro ng mga bulaang propeta ay pagtatayo naman ng Iglesia Katolika. Kaya ang organisasyong dati’y dinadaluyan ng mga dalisay na aral ng Diyos, sumusunod kay Cristo, at tinatawag na Iglesia ni Cristo ay bumaling sa mga aral ng demonio, sumunod sa mga bulaang propeta, at naging Iglesia Katolika.
Pagpatay Sa Mga Cristiano
Hindi malulubos ang pagtalikod kung nanatiling buhay ang mga nanindigan sa mga dalisay na aral ni Cristo. Kaya, gaya ng ibinabala ni Pablo, ang Iglesia ay sinalakay ng mga “asong-gubat” na sumila at hindi nagpatawad sa kawan. Dapat nating alalahanin na ang ipinakikilala ng Biblia na mga asong gubat o mga lobong maninila ay hindi lamang ang mga bulaang propeta o mga tagapagturong Katoliko kundi maging ang masasamang pinuno na umusig sa Iglesia. Ang mga ito ay naging kasangkapan din sa pagpatay sa mga alagad ni Cristo na nanindigan sa tunay na pananampalataya at nanghawak sa mga dalisay na aral ng Diyos. Ang katuparan nito ay hindi nawaglit sa mga tala ng kasaysayan gaya ng isinasaad sa Halley’s Bible Handbook, sinulat ni Henry H. Halley sa mga pahina 761-762, sa pagkakasalin sa Pilipino:
“Domitan (96 A.D.). Itinatag ni Domitian ang pag-uusig sa mga Cristiano. Maikli ngunit lubhang malupit.
“Trajan (98-117 A.D.). Ang Cristianismo ay ipinalagay na isang ilegal na relihiyon, … Ang mga Cristiano ay hindi ipinaghahanap, ngunit kapag napagbintangan ay pinarurusahan.
“Marcus Aurelius ( 161-180). Pinasigla niya ang pag-uusig sa mga Cristiano. Ito ay malupit at mabangis ang pinakamabagsik simula kay Nero. Libu-libo ang pinugutan ng ulo o kaya’y itinapon sa mababangis na hayop…
“Septimus Severus (193-211). Ang pag-uusig na ito ay totoong napakalupit,…
“Decius (249-251). Buong tatag na pinasiyahang lipulin ang Cristianismo.
“Valerian (253-260). Mas mabangis kay Decius; tinangka niya ang lubos na pagwasak sa Cristianismo. Maraming lider ang pinatay…
“Diocletian (284-305). Ang huling pag-uusig ng Imperyo, at siyang pinakamalupit; …ang mga Cristiano ay pinaghahanap sa mga kuweba at gubat; sila ay sinunog, itinapon sa mga mababangis na hayop, pinagpapatay sa pamamagitan ng mga pagpapahirap bunga ng kalupitan.”
Mapapansin natin na halos kaalinsabay ng pagpasok ng mga maling doktrina sa Iglesia ay dinanas ng mga alagad ang bagsik ng pag-uusig na ginawa ng mga emperador Romano – pag-uusig na hindi lamang naging sanhi upang matakot ang mahina sa pananampalataya at tanggapin ang maling aral, kundi pumatay sa nanindigan sa dalisay na ebanghelyo. Sa madilim na bahaging ito ng kasaysayan ng Iglesia ay dapat nating mabatid na hindi lamang ang lumupig sa Iglesia ay ang masasamang pinuno ng pamahalaan kundi ang mismong kapapahan:
“Leo I (A.D 440-461)…, tinawag ng ilang mananalaysay na Unang Papa…Ipinahayag ang kanyang sarili na Panginoon ng Buong Iglesia; itinaguyod ang Natatanging Pangkalahatang Kapapahan; sinabi na ang pagtutol sa kaniyang kapangyarihan ay Tiyak na Pagtungo sa Impiyerno; itinaguyod ang Parusang Kamatayan ukol sa erehiya.” (Ibid., p. 770)
Hindi kataka-taka na tawagin din ng mga Apostol na mga “asong-gubat” ang mga bulaang propeta hindi lamang dahil sa naging daan sila ng pagpasok ng mga maling doktrina sa Iglesia kundi sila mismo ang sumalakay at hindi nagpatawad sa kawan.
Kaya, gaya ng paunang pahayag ni Cristo at ng mga Apostol, ang Iglesia ni Cristo na nagsimula noon unang siglo sa Jerusalem bilang isang organisasyon na nagtataguyod ng mga dalisay na aral ng Diyos, pagkamatay ng mga Apostol, ay unti-unting bumaling sa mga maling aral at tinalikuran ang kaniyang pananampalataya.
<< Home