Ang karunungan sa ikaliligtas
Published in Pasugo
KUNG NABUHAY KA noong unang panahon, noong hindi pa naiimbento ang teleskopyo, kamera, telebisyon, at spaceship, maniniwala ka kaya kapag may magsabing bilog ang mundo at nakabitin sa wala?
Ang totoo, ang paniniwala noon ay ibang-iba kaysa ngayon. Noon, ang gayong balita ay kakatuwa at hindi kapani-paniwala. Marahil ay pagtatawanan lamang ito o kaya’y kokondenahin ng madla ang magpahayag ng gayong naiibang kaalaman. Ang isang halimbawa ay ang nangyari kay Galileo, isa sa mga unang scientist na nakatuklas na mali pala ang laganap na paniniwala noon na ang araw ay umiikot sa mundo.
Ngayon, sa makabagong panahon, sa tulong ng siyensya ay naiwasto na ang dating maling paniniwala. Tanggap na ng tao ang katotohanang ipinahayag ni Galileo; ang katotohanang ang mundo ay bilog at nakalutang sa wala ay hindi na rin pinagtatalunan ngayon.
Subalit, alam mo ba na ang mga katotohanang ito tungkol sa daigdig, maging tungkol sa kalawakan at mga bituin, ay nakasulat na sa Biblia daan-daang taon na ang nakalipas bago pa ito matuklasan ng siyensya?
Ang mundo ay bilog. “When the Bible was written it was universally believed that the earth was flat. …Finally, Magellan and his men sailed around the earth and thus proved it to be spherical in shape.” [Nang panahong isinusulat ang Biblia malaganap ang paniniwalang ang mundo ay lapad. …Sa wakas, naglayag at nilibot ni Magellan at ng kaniyang mga tauhan ang daigdig kaya’t napatunayan niyang ito ay bilog.] (George Dehoff. Why We Believe The Bible. p. 49)
Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, mapatutunayan ng sinuman na bilog ang mundo. Ang katotohanang ito ay nasulat sa Biblia libu-libong taon bago pa libutin ni Magellan ang daigdig:
“Nakaupo siya sa itaas ng bilog ng mundo …” (Isa. 40:22, Biblia ng Sambayanang Pilipino)
Ang mundo’y nakabitin sa wala. “The ancient Greeks and Romans were the most advanced peoples of their time, yet they believed that the earth was held in place by poles or by the neck of Atlas.” [Ang mga Griego at Romano ang pinakamaunlad na tao sa sinaunang panahon, gayunman naniwala sila na ang mundo ay natutukuran ng mga poste o nakapasan sa leeg ni Atlas.] (George Dehoff. Why We Believe The Bible. pp. 49-50)
Habang ang mga “pinakamaunlad” na tao sa matandang panahon ay nanghahawak lamang pala sa kathang-isip, nasulat naman sa Biblia na ang mundo ay nakabitin sa wala:
“Kaniyang iniuunat ang hilagaan sa pagitang walang laman, At ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job. 26:7)
Hindi mabilang ang mga bituin. “The ancients believed that there were only a very few stars in the heavens. In 150 B.C. Hipparchus said that there were less than three thousand. In A.D. 150 Ptolemy said there were not more than three thousand. …After the middle ages and the invention of the telescope, men discovered that the stars are innumerable.” [Ang mga tao noong unang panahon ay naniniwala na kakaunti ang mga bituin sa langit. Noong 150 B.C. sinabi ni Hipparchus na hindi aabot sa tatlong libo. Noong A.D. 150 sinabi ni Ptolemy na hindi hihigit sa tatlong libo. …Pagkatapos ng edad medya at nang maimbento ang teleskopyo, natuklasang ang mga bituin ay hindi mabilang sa dami.] (George Dehoff. Why We Believe The Bible. p. 56)
Ang katotohanang ito ay malaon nang nasulat sa Biblia:
“Gaya ng di mabilang na bituin sa kalangitan at ng buhangin sa dagat…” (Jer. 33:22, Magandang Balita Biblia)
Salita ng Diyos
Pansinin natin na ang mga katotohanang binanggit sa itaas (at iba pa) tungkol sa mundo, bituin, at kalawakan ay mapatutunayan sa tulong lamang ng modernong kasangkapan. Makikita lamang nating bilog ang mundo kapag tayo ay nasa kalawakan, na daan-daang milya ang layo mula sa daigdig. At, maliban nang gumamit tayo ng teleskopyo o kaya’y may libu-libong milya ang ating layo sa ating galaxy, kakaunting bahagi lamang ng di mabilang na bituin ang ating makikita.
Ngunit bagaman hindi gumamit ng mga modernong kasangkapan ang mga sumulat ng Biblia, paano kaya nila nalaman ang mga katotohanang ito? Nalaman nila iyon sapagkat ang Diyos na Siyang gumawa ng lupa, langit, at mga bituin ang nagpahayag nito sa kanila:
“Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, Ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos.” (Awit 8:3)
Ito ang nagpapatibay sa ating pananampalataya na ang Biblia ay kinasihang aklat at ang mga nakasulat dito ay mga salita ng Diyos:
“Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.” (II Tim. 3:16)
Samantalang ang kaalaman ng tao ay nababago kapag ito’y napasisinungalingan ng bagong tuklas na karunungan, ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia ay nananatili sapagkat pawang katotohanan:
“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo’y katotohanan.” (Juan 17:7)
Dakilang kahalagahan
Lamang, hindi dapat isipin na ang bawat natutuklasan ng tao sa kaniyang pisikal na kapaligiran ay mababasa rin sa Biblia. Ang Biblia ay walang gayong pag-aangkin.
Higit na mahalaga kaysa mga kaalaman tungkol sa pisikal na kalagayan ng daigdig, itinuturo ng Biblia ang karunungang makapagpapadunong “sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus” (II Tim. 3:15). Itinuturo nito ang katotohanang dapat nating malaman upang tayo ay maligtas pagdating ng Araw ng Paghuhukom (I Tim. 2:3-4; Heb. 9:27).
Dahil sa mahabagin ang Diyos at hindi Niya ibig na tayo ay maparusahan, ipinasulat Niya ang Kaniyang mga salita upang ating malaman ang mga katotohanang ikaliligtas natin.
Ano ang itinuturo ng Biblia upang matamo ng tao ang walang hanggang buhay?
Kilalanin ang Ama na Siyang iisang tunay na Diyos, at ang Kaniyang Anak na si Jesucristo na sinugo Niya upang tayo’y iligtas:
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, …At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1,3)
Pumasok sa kawan o Iglesia ni Cristo na siyang tinubos at ililigtas ni Cristo:
“I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko’y magiging ligtas.] (Jn. 10:9, Revised English Bible)
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kaniyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:23, Magandang Balita Biblia)
Manatiling kaanib sa Iglesia ni Cristo na tapat na sumusunod sa mga utos ng Diyos hanggang wakas:
“Kailangan ang pagtitiis at katatagan ng mga banal na sumusunod sa mga utos ng Dios, at nananatiling tapat kay Jesus. At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, ‘Isulat mo: Mapalad ang namamatay sa paglilingkod sa Panginoon mula ngayon’.’Oo’, ang wika ng Espiritu, ‘magpapahinga sila sa kanilang gawain, at susundan sila ng kanilang mga gawa’.” (Apoc. 14:12-13, New Pilipino Version)
“Ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas.” (Mat. 24:13, MB)
<< Home