Ang Itinuturo ng Biblia na Paraan sa Ikaliligtas
Published in Pasugo, Jun 2005
“Ito ang sinasabi ng PANGINOON: ‘Tumindig kayo sa mga sangandaan at magmasid. Magtanong kayo tungkol sa mga dating landas. Itanong ninyo kung saan ang mabuting daan, at siya ninyong lakaran’…”
Jeremias 6:16, New Pilipino Version
Kung pare-parehong sa Diyos ang lahat ng relihiyon, hindi na ipahahanap pa ng Diyos ang mabuting daan. Ngunit hindi lamang Niya ipinahahanap ito kundi pinalalakaran pa ito sa tao.
SA PANANAW NG MARAMI, ang pangangailangan ng tao sa kaligtasan ay isang paksang hindi na dapat pagtalunan. Ang kontrobersya ay nasa pagkakaiba-iba ng mga paraan na itinuturo ng iba’t ibang tagapangaral ng relihiyon sa ikapagtatamo ng kaligtasan. Upang hindi magkamali ang tao sa susunding kaparaanan ay dapat niyang piliin ang pamamaraang itinuturo ng Diyos at ito’y mababasa sa Biblia. Kapag ang sinunod ng tao ay ang sarili niyang pamamaraan, hindi siya makararating sa pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, anupa’t hindi siya maliligtas kahit taos-puso ang pagsisikap niyang maging kalugod-lugod sa Diyos, kung mali ang kaniyang batayan. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
“Mapatutunayan kong sila’y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan. Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.” (Roma 10:2-3, Magandang Balita Biblia)
Ang paraan ng kaligtasan sa panahon ni Noe
Sa mula’t mula pa, ang Diyos ay nagturo na ng paraan sa ikaliligtas ng tao sa hatol. Ang tao na sumunod sa paraang yaon ang nagligtas. Narito ang isang katibayan:
“Dahil sa pananalig sa Diyos, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari na hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang daong upang siya at ang kanyang sambahayan ay maligtas. Sa pamamagitan nito’y hinatulan niya ang sanlibutan, a siya’y ibinilang na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananalig.” (Heb. 11:7, Ibid.)
Sa panahon ni Noe ay ipinasiya ng Diyos na lipulin sa pamamagitan ng malaking baha ang sanlibutan dahil sa kasamaan ng mga tao. Apatnapung araw at apatnapung gabi na bumuhos ang ulan at pagkatapos ay matagal na hindi humupa ang tubig. Ngunit bago nilipol ng Diyos ang sanlibutan noon, itinuro muna Niya kay Noe ang paraan ng kaligtasan. Inutusan Niya si Noe na gumawa ng isang daong.
Ano ang iniutos ng Diyos kay Noe at sa kaniyang sambahayan noong magawa na ang daong? Inutusan Niya sila na lumulan o pumasok doon:
“Datapuwa’t pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.” (Gen. 6:18)
“At sinasabi ng Panginoon kay Noe, Lumulan ka at ang iyong buong sangbahayan sa sasakyan; sapagka’t ikaw ay aking nakitang matuwid sa harap ko sa panahong ito.” (Gen. 7:1)
Ang pagsunod ng wawalong tao sa paraang itinuro ng Diyos noon ay nagbunga sa kanila ng kaligtasan:
“At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa’t iningatan ni Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama.” (II Ped. 2:5)
Sa kabilang dako, ang mga hindi sumunod ay pawing nangapahamak:
“Sila ang hindi sumunod nang sila’y matiyagang hinintay ng Dios noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang daong. Ilan lamang tao, walo lamang ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.” (I Ped. 3:20, New Pilipino Version)
Ang may kaligtasan sa panahon ng mga propeta
Ngunit ang lahi ni Noe ay hindi nakapagpatuloy sa pagsunod sa Diyos. Subalit may sumunod na lahi na pinangakuan ng kaligtasan:
“Nguni’t ang Israel ay ililigtas ng Panginoon ng walang hanggang kaligtasan. …” (Isa. 45:17)
Pinatutunayan din ng Biblia na noon ay “walang Diyos sa buong lupa, kundi sa Israel” (II Hari 5:15). “Sila’y mga Israelita at itinuturing ng Diyos na mga anak niya. … Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako” (Roma 9:4, MB). Kaya noon ay walang karapatang dumiyos sa Diyos ang “hindi kabilang sa Israel.” Ang sabi ni Apostol Pablo tungkol sa kanila: “… Wala kayong bahagi sa tipan at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan” (Efe. 2:12, Salita ng Buhay).
Ang matandang Israel ay nagkaroon ng karapatan sa kaligtasan dahil sa tipan ng Diyos kay Abraham, na isinalin sa anak niyang si Isaac, na isinalin naman kay Jacob at sa kaniyang angkan (Awit 105:6, 8-10). Kaya, ang bayang Israel noon ang “pinili” ng Diyos upang maging Kaniya “na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa” (Deut. 7:6). Subalit, dumating ang panahon na ang Israel ay hindi nanatili sa pagsunod sa Diyos – sila ay tumalikod sa Kaniya at dahil dito ay nasumpa sila (Dan. 9:11).
Nagpatuloy ang Diyos sa pagtuturo ng paraan sa kaligtasan
Ang Diyos, palibhasa’y pag-ibig, ay patuloy na nagbibigay ng pagkakataon, at nagtuturo ng paraan sa ikaliligtas ng tao:
“Ito ang sinasabi ng PANGINOON: ‘Tumindig kayo sa mga sangandaan at magmasid. Magtanong kayo tungkol sa mga dating landas. Itanong ninyo kung saan ang mabuting daan, at siya ninyong lakaran, at doon ninyo masusumpungan ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Ngunit sinasabi ninyo, ‘Hindi kami lalakad doon’.
“Makinig ka, O daigdig: Ang baying ito ay padadalhan ko ng kapahamakan, ang bunga ng kanilang mga pakana, pagkat hindi sila nakinig sa aking mga salita at tinanggihan nila ang aking kautusan.” (Jer. 6:16, 19, NPV)
Kung pare-parehong sa Diyos ang lahat ng relihiyon, hindi na ipahahanap pa ng Diyos ang mabuting daan. Ngunit hindi lamang Niya ipinahahanap ito kundi pinalalakaran pa ito sa tao. Nangako ang Diyos sa mga nasa mabuting daan na sila ang makasusumpong ng kapahingahan ng kaluluwa. Ito ang kaligtasan at ang ipinangakong buhay na walang hanggan sa Bayang Banal sa piling ng Diyos (Apoc. 21:1-4). Subalit ang sabi ng iba, “hindi kami lalakad doon.” Kaya ang pasiya ng Diyos sa mga ayaw sa paraang itinuturo at ipinag-uutos Niya ay: “Padadalhan Ko [sila] ng kapahamakan, … pagkat hindi sila nakinig sa Aking mga salita at tinanggihan nila ang Aking kautusan.”
Sa panahong Cristiano, ang mabuting daan na dapat lakaran ng tao ay ang Panginoong Jesucristo:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.
“Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa.
“Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. …” (Juan 14:6; 10:7, 9 MB)
Ang Panginoong Jesucristo ang pintuang dinaraanan – hindi sinasampalatayanan lamang – ng mga tupa. Ang sinumang daraan at papasok sa pamamagitan Niya ay maliligtas. Ang nasusulat na “sinuman,” kaya hindi nagtatangi ng tao ang Panginoong Jesucristo; ang itinatangi ay ang paraan: dapat dumaan o pumasok sa pamamagitan Niya. Tandaan natin na Siya ay nagturo ng mga aral at utos ng Diyos. Ang sabi Niya, “ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin” (Juan 7:16). Kaya, ang itinuro ng Panginoong Jesucristo ay paraan ng Diyos:
“Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, At sa kaniyang looban na may pagpupuri: Mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.” (Awit 100:4)
Ang mga magpupuri o sasamba at magpapasalamat sa Diyos sa tamang paraan ay pinapapasok sa pintuang-daan at sila ay makararating sa looban. Ang katumbas ng “pintuang daan” sa Juan 10:1 ay “pintuan ng kulungan ng mga tupa” o “pintuang dinaraanan ng mga tupa” (Juan 10:7, MB). Ang katumbas naman ng “looban” sa Awit 100:4 ay “kulungan ng mga tupa.” Doon pumaloob ang mga tao na pumasok sa Panginoong Jesucristo. Kaya sa Revised English Bible ay ganito ang pagkakasalin:
“I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe. …” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas. …] (John 10:9)
Ang “kawan” ay sheep pen sa John 10:9 ng saling God’s Word. Ito ang katumbas ng “kulungan ng mga tupa.” Kaya ang paraan tungo sa kaligtasan na itinuturo ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo sa panahong Cristiano ay ang pagpasok sa pintuan na ang tinutukoy ay ang Panginoong Jesucristo o pagdaan sa Kaniya upang makarating sa loob ng kawan. Ang tutupad sa paraang ito ang pinangakuan ng kaligtasan sa ating panahon.
Ang kawan na tinutukoy ng ating Panginoong Jesucristo, na doon makakabilang ang mga taong tunay na pumasok sa Kaniya, ay ang Iglesia ni Cristo:
“… All the flock … the church of Chirst which he has purchased with his blood.” [… Ang buong kawan … ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Ang katibayan pa na ang aral tungkol sa kaligtasan na itinuro ng Panginoong Jesucristo ay hindi Niya sariling pamamaraan kundi pamamaraan ng Diyos ay ito:
“Now glory be to God … because of his master plan of salvation for the church through Jesus Christ.” [Ngayon ay luwalhatiin nawa ang Diyos … dahil sa kaniyang pangunahing panukala ng kaligtasan para sa iglesia sa pamamagitan ni Jesucristo.] (Eph. 3:20-21, Living Bible)
Kaya kung tayo’y nasa tunay na Iglesia ni Cristo, ang kaligtasan ay para sa atin. Ito ay sapagkat pangunahing panukala ng Diyos na ang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo ay para sa Iglesia. Ito rin ang “bayan ng Dios” (I Ped. 2:10) ngayon. Tandaan din natin na nasa Iglesiang binili o tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo ang pagpapawalang-sala at tiyak na kaligtasan (Roma 5:8-9, MB)
Kaya, ang tao na susunod sa paraang itinuturo ng Diyos ay tiyak na maliligtas at magmamana ng kaharian ng langit.
<< Home