INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Thursday, March 30, 2006

Ang Ikakikilala Sa Bulaang Tagapangaral


Published in Pasugo, Sept-Oct 1988


LIBU-LIBO NA ANG bilang ng relihiyong nakatatag sa daigdig ngayon. Higit na marami kaysa rito ang bilang ng mga tagapangaral na ang lahat sa kanila ay nag-aangkin na sila ay tunay na sa Diyos. Ngunit, hindi maaaring lahat ay sa Diyos sapagkat ang kanilang mga aral ay magkakasalungat. Samakatuwid, ang maraming tagapangaral ay tiyak na mga bulaan.


Ang suliranin ng tao ngayon ay kung paano nila matitiyak kung sino ang tunay na mangangaral at kung sino ang bulaan. Nakataya sa wastong pagkilala sa kanila ang kaligtasan ng marami sa hatol ng Diyos.

Ayon kay Apostol Pedro, paano makikilala ang tunay na tagapangaral, tulad nila, sa kalipunan ng mga bulaan? Ganito ang kaniyang sagot:

“Ang ipinahayag naming sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan naming ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan…” (II Ped. 1:16-17, Magandang Balita)

Ang tunay na tagapangaral ay nagtuturo ng dalisay na aral ng Diyos at hindi nagsasalig sa mga “alamat na katha lamang ng tao.” Samantala, ang mga bulaang tagapangaral ay nagsasalig sa katha at sila’y mapanlinlang sapagkat nanghuhula sila ng kabulaanan. Ganito ang pahayag ni Ezekiel na propeta ukol sa mga tagapangaral na bulaan:

“At itinapal ng mga propeta niyaon ang masamang argamasa para sa kanila, na nakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kabulaanan sa kanila, na nangasabi, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, dangang hindi sinalita ng Panginoon.” (Ezek. 22:28)


Ang Mga Kinatuparan

Ang isa sa mga relihiyon na kinatuparan ng hula tungkol sa lilitaw na magtuturo ng kabulaanan ay ang Adventista. Hinulaan ni Guillermo Miller, isa sa mga naging lider ng kilusang Adventista sa America, ang petsa ng pagdating ni Jesucristo ngunit hindi nagkatotoo ang kaniyang hula. Ganito ang sinasabi sa aklat na Ang Malaking Tunggalian:

“Si Guillermo Miller, isang masipag at tapat na mag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, ay siyang nanguna sa malaking Kilusang Adventista sa Estados Unidos ng Amerika. Ang mga nangungulo sa kilusang ito ay nangagkamali sa kanilang paniniwala na si Kristo’y paririto sa lupa noon Oktubre 22, 1844.” (pp. 301-302)

Gaya ng mga Adventista noong ika-19 na siglo,ang mga tagapangaral ng mga Saksi ni Jehovah, ay nabigo sa kanilang pag-asa nang sila ay manghula ng kabulaanan:

“So, there were great expectations concerning 1914 on the part of many of the Bible Students. Yet, they also had received sound admonition in pages of The Watch Tower. Indeed, some Christians thought they were ‘going home’ to heaven in the autumn of that year. ‘But,’ says C.J. Woodworth, ‘October 1st, 1914, came and went – and years accumulated after that date – and the anointed were still here on earth. Some grew sour and fell away from the truth. Those who put their trust in Jehovah saw 1914 as truly a marked time – the ‘beginning of the end’ – but they also realized their previous concept was wrong concerning the ‘glorification of the saints,’ as it was stated’,” ( 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, p. 74)


Sa Pilipino:

“Kaya, nagkaroon ng malaking pag-asam ukol sa taong1914 sa panig ng marami sa mga nagsisipag-aral ng Biblia. Ngunit nakatanggap rin sila ng mabuting pagpapayo mula sa The Watch Tower. Tunay, inakala ng ilang mga Cristiano na sila’y ‘tutungo’ na sa langit sa taglagas ng taong yaon. ‘Ngunit,’ sabi ni C.J. Woodworth,’ ang Oktubre 1, 1914 ay dumating at umalis – at dumaan pa ang maraming taon pagkatapos ng petsang yaon – at ang mga pinahiran ay narito pa rin sa lupa. Ang ilan ay nawalan ng pananampalataya at humiwalay sa katotohanan. Itinuring niyaong mga nagsalig ng kanilang pagtitiwala kayJehova ang 1914 bilang tunay na tinandaang panahon – ang ‘simula ng wakas’ – ngunit napagtanto rin nila na ang kanilang nakaraang paniniwala ay mali tungkol sa ’pagpapaluwalhati sa mga banal,’ gaya ng pagkabanggit’.”

Dahil dito, hindi na natin maaaring ibilang na sa Diyos ang mga Adventista at mga Saksi ni Jehovah, kabilang na sila sa maling relihiyon sapagkat ang kanilang mga tagapangaral ay tagapagturong bulaan.



Iba Pang Ikakikilala Sa Bulaan

Ang isa pang tandang ikakikilala sa bulaang mangangaral at bulaang relihiyon ay binanggit ng ating Panginoong Jesucristo. Ganito ang sinabi niya sa Mateo 15:14:

“Hayaan ninyo sila. Sila’y mga bulag na tagaakay; at kapag bulag ang umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay’.” (MB)

Ang mga bulaang tagapangaral ay mga bulag na tagaakay. Ang sinumang akayin ng mga ito ay mapapahamak lamang na tulad din ng mga tagapangaral nila. Ano ang ibig sabihin ng bulag na tagaakay? Ayon kayApostol Pablo:

“Ibig nilang maging guro ng kautusan gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, ni ang mga bagay na itinuturo nila nang buong tiwala.” (1 Tim. 1:7, Ibid.)

Ang palatandaang ito ukol sa bulaang tagapangaral at relihiyon ay natupad naman sa Iglesia Katolika Romana. Inaamin ng mga awtoridad ng Iglesia Katolika na sila mismo na tagapangaral ay hindi nakauunawa! Ganito ang pahayag ni Rev. Andrew Greeley sa aklat na Your Teenager and Religion:

“The simple truth is that those of us who have the responsibility for teaching the real meaning of Christianity to the young have failed to convert it into language which has meaning in the contemporary world. We have not found the words which will stir young hearts. We have not found the modes of expression which will break through youthful apathy and indifference and fear. There may be all kinds of valid excuses for our failure, but the fact remains: when we speak about religion to young people they not know what we are talking about and really do not care to know. Perhaps the reason is that we do not know ourselves. This picture may be too black.” (pp. 13-14)


Sa Pilipino:

“Ang madaling unawaing katotohanan ay yaong ilan sa atin na may pananagutang ituro ang tunay na kahulugan ng Cristianismo sa mga kabataan ay nabigong isalin ito sa wikang may kahulugan sa pangkasalukuyang daigdig. Hindi pa natin natatagpuan ang paraan ng pananalita na mag-aalis sa pagwawalang-bahala at kalamigan ng loob at takot ng mga kabataan. Maaaring magkaroong lahat ng uri ng mga makatuwirang dahilan sa ating pagkabigo, ngunit mananatili ang katotohanan: kung tayo ay nagsasalita sa mga kabataan tungkol sa relihiyon hindi nila alam kung ano ang sinasabi natin at talagang wala silang pagpapahalagahang malaman. Marahil ang dahilan ay tayo rin mismo ang hindi nakakaalam. Ang paglalarawang ito ay maaaring napakaitim.”

Inaamin ng paring si Andrew Greeley na ang dahilan kung bakit hindi nila maipaunawa sa mga kabataan ang mga aral ng Iglesia Katolika ay sapagkat sila mismo ay hindi nakaaalam ng kanilang pananampalataya. Ano kaya ang dahilan at kapos sila sa pagkaunawa? Ganito ang sinasabi sa isa pang aklat ng Iglesia Katolika na sinulat ni Joseph Faa Di Runo:

“Moreover, a written Bible is a dead book. Nor is it an easy book, it does not explain itself.” (Catholic Belief, p. 4)


Sa Pilipino:

“Higit doon, and sinulat na Biblia ay isang patay na aklat. Ni hindi ito isang madaling unawaing aklat, hindi nito ipinaliliwanag ang kaniyang sarili.”

Paano nga makauunawa ng wastong pananampalataya ang mga paring Katoliko samantalang hindi nila nauunawaan ang mga nasusulat sa Biblia? Ang Biblia na kinaroroonan ng salita ng Diyos ay isa raw patay na aklat at hindi madaling unawain.

Ang totoo, ni hindi nauunawaan ng pari ang kaniyang ginagawa, halimbawa, sa panahon ng pagmimisa. Ganito ang pahayag sa aklat na The Restless Christian, sinulat ni Killian McDonnell, O.S.B., sa pahina 171:

“I did not fully understand what I did as I said Mass that day. I did not fully understand the power that is mine. I do not understand it now. It is a mystery…”


Sa Pilipino:

“Hindi ko ganap na naunawaan ang ginawa ko sa aking pagsasagawa ng Misa sa araw na iyon. Hindi ko ganap na naunawaan ang kapangyarihan na aking taglay. Hindi ko ito nauunawaan ngayon. Ito’y isang hiwaga…”

Hindi lamang ang pagsasagawa ng Misa ang hindi nauunawaan ng mga pari. Maging ang kanilang pagtuturo ukol sa Diyos ay nababalot din ng maraming pagkakasalungatan. Ganito naman ang sinulat ng isang paring Jesuita na si Martin J. Scott sa kaniyang aklat na pinamagatang God and Myself, sa pahina 118-119:

“The Trinity is a wonderful mystery. No one understands it. The most learned theologian, the holiest Pope, the greatest saint, all are mystified by it as the child of seven. It is one of the things which we shall know only when we see God face to face….”


Sa Pilipino:

“Ang Trinidad ay isang kamangha-manghang misteryo. Walang sinumang nakauunawa nito. Ang pinakamarunong na teologo, ang pinakabanal na Papa, ang pinakadakilang santo, silang lahat ay nahihiwagaan dito tulad ng isang batang may pitong taong gulang. Isa ito sa mga bagay na malalaman lamang natin kapag nakita na natin ang Diyos nang mukhaan….”

Dahil dito, walang saysay na pag-aangkin ang ginawa ng mga tagapangaral na Katoliko kapag kanilang sinasabi na ang Iglesia Katolika ay sa Diyos. Kung ang Diyos mismo ay hindi nila nakikilala at nauunawaan, paano sila kikilalanin ng Diyos?

Hindi natin ito sinasabi sapagkat nais nating saktan ang damdamin ng maraming tao na ang nagisnan sa mundo ay ang aral ng Iglesia Katolika at iba pang relihiyon. Ang nais lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo ay makaiwas ang marami sa pagkadaya at pagkapahamak.

Ang Nakauunawa

Ang dapat na pakinggan ay ang tunay na nakauunawa ng salita ng Diyos sa ikaliligtas. Sinabi ng Panginoong Jesucristo ang ganito:

“Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa’t sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga: Upang kung magsitingin sila’y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila’y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila’y magbalikloob, at patawarin sila.” (Mar. 4:11-12)

Kung gayon, may pinagkaloobang makaunawa ng salita ng Diyos. Hindi sila ang bulaan kundi mga tunay na mangangaral. Hindi sila “bulag na tagaakay” kundi nakauunawa at maghahatid sa tao sa kaligtasan at hindi sa hukay ng kapahamakan.

Hanapin natin ang mga tunay na tagapangaral upang makarating tayo sa Diyos, kay Cristo, at sa tunay na Iglesia upang tayo ay maligtas.