INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Tuesday, September 12, 2006

Si Cristo ba’y Diyos na Manlalalang?

Published in Pasugo, July 2006

“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” (Colosas 1:15)

MALINAW NA ITINUTURO ng Biblia na ang tunay na Diyos na lumikha ng lahat ng bagay ay ang Ama na nasa langit. Gayunpaman ay may mga naniniwala na si Cristo raw ang tunay na Diyos at Siya ring Manlalalang. Sinisikap nilang patunayan ito sa pamamagitan ng paggamit din ng mga talata sa Biblia. Dahil dito, mahalagang suriin natin ang ilan sa mga talatang ito at alamin kung tama ang pagkaunawa nila sa mga ito.


1. Juan 1:3: “Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya.”


Si Cristo raw ang Diyos na Lumalang ng lahat ng bagay dahil sinasabi sa talata na ang lahat ay ginawa sa pamamagitan Niya.


2. Genesis 1:26: “At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa’t umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.”


Ang talatang ito ay isa pa raw sa mga katibayan na si Cristo ay Siya ring Diyos na Lumalang sapagkat dito raw ay kausap ng Diyos ang dalawa pang persona ng tinatawag nilang Trinidad. Kaya ang ka-“natin” daw dito ng Diyos ay si Cristo at ang Espiritu Santo.


3. Kawikaan 8:22-30: “Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, Bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una. Ako’y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, Bago nalikha ang lupa. Ako’y nailabas ng wala pang mga kalaliman; Nang wala pang mga bukal na sagan ng tubig. Bago ang mga bundok ay nalagay, Bago ang mga burol ay ako’y nailabas: Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, Ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan. Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: Nang siya’y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman: Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: Nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman: Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, Upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: Nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa: Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: At ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, Na nagagalak na lagi sa harap niya.”


Ito ay iniuugnay nila sa mga talatang nasa unahan upang patunayan na si
Cristo ay eksistido na raw bago pa lalangin ang lahat ng bagay. Ang binabanggit daw dito ay si Cristo. Malinaw raw na sinasabi rito na nasa siping na Siya ng Diyos bago pa pinasimulan ang Kaniyang mga gawa at bago nilikha ang lupa. Mula sa mga talatang nabanggit ay nagkonklusyon sila na si Cristo ay Diyos na Manlalalang.


Ang tinutukoy sa Kawikaan 8:22-30
Hindi ang Panginoong Jesucristo ang tinutukoy na naroon na sa pasimula ng paglalang ng Diyos kundi ang karunungan:

“Hindi ba umiiyak ang karunungan, At inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig? … Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, At aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.” (Kaw. 8:1, 12)

Ang karunungang naroon na nang wala pa ang lahat ay ang karunungan o kaunawaan ng Diyos na Kaniyang ginamit sa paglikha sa langit at lupa:

“Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; Itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.” (Kaw. 3:19)

Natitiyak natin na ang karunungang ginamit ng Diyos sa paglikha ng langit at lupa ay hindi isa pang Diyos sapagkat kung magkagayon ay darami ang Diyos. Lalabag ito sa doktrina ng Biblia na iisa lamang ang Diyos (Mal. 2:10). Siya ang may-ari ng karunungang ginamit sa paglalang.


Ang ka-“natin” sa Genesis 1:26
Ang ka-“natin” at mga kausap ng Diyos nang sabihin Niyang “lalangin natin ang tao” ay hindi ang inaakala ng iba na dalawa pang persona ng Trinidad, kundi ang mga kerubin at mga serapin na naroon na bago pa nilalang ang tao:

“Ano pa’t itinaboy ang lalake; at inilagay sa silanganan ng halaman ng Eden ang mga Querubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang ingatan ang daang patungo sa kahoy ng buhay.” (Gen. 3:24)

“Sa itaas niya ay nangatayo ang mga serapin: bawa’t isa’y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.” (Isa. 6:2)

Subalit nang isagawa na ng Diyos ang aktuwal na paglalang ay Siya lamang mag-isa ang gumawa nito:

“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.” (Gen. 1:27)

Walang “ka-manlalalang” o kinatulong ang Diyos nang lalangin Niya ang lahat ng bagay:

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng iyong Manunubos, at niyang naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa.” (Isa. 44:24_

“Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.” (Neh. 9:6)

Samakatuwid, maling ipakahulugan na sa Genesis 1:26 ay nag-uusap ang mga diumano’y persona ng Trinidad. Ang pinatutunayan ng Biblia na kausap dito ng Diyos ay ang mga kerubin at mga serapin. Ang tunay na Diyos ay hindi Trinidad at hindi rin maaari na si Cristo ay maging Diyos na Manlalalang.


Ang kahulugan ng nasa Juan 1:3
Ang sinasabing “ang lahat ay ginawa sa pamamagitan Niya” ay hindi nangangahulugang si Cristo ay ang lumalang, kundi, ang kahulugan nito ay ipamamagitan ni Cristo ang lahat ng bagay:

“Sapagka’t marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, …” (Heb. 2:10)

Pinatunayan pa ni Apostol Pablo sa ibang pagkakataon na talagang ang lahat ng bagay na nilalang ay iniukol kay Cristo at sa pamamagitan Niya:

“Sapagka’t sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya.” (Col. 1:16)

Kailangan ng lahat ng taong nilalang ng Diyos na sila’y ipamagitan ni Cristo sapagkat sa pamamagitan Niya ay papagkakasunduin ang tao sa Diyos:

“At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan. At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama. Gayon ma’y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo’y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya.” (Col. 1:20-22)

Kaya, kung sinabi man sa Juan 1:3 na “ang lahat ng bagay ay ginawa (o nilalang) sa pamamagitan Niya” (o ni Cristo), hindi ito nangangahulugang si Cristo ay Diyos na Manlalalang. Ipinakikilala lamang nito na si Jesus ay Tagapamagitan ng tao sa Diyos (I Tim. 2:5).


Si Cristo’y hindi Diyos na Manlalalang
Ang isa pang katibayan na si Cristo’y hindi Diyos na Manlalalang ay ang katotohanang Siya man ay nilalang din ng Diyos:

“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” (Col. 1:15)

Isa pa ito sa lalong nagpapatunay na mali ang pagkaunawa ng mga naniniwalang si Cristo’y Diyos sa mga talatang ginamit sa Juan 1:3; Genesis 1:26, at Kawikaan 8:22-30. Si Cristo ay hindi manlalalang, kundi isa Siyang nilalang. Siya ang panganay sa lahat ng nilalang.

Bakit sinabing si Cristo ang panganay sa lahat ng nilalang gayong hindi naman Siya ang unang taong nilalang? Sapagkat nakilala na Siya nang una bago pa itinatag ang sanlibutan. Siya ang una sa pagkapanukala. Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang sanlibutan. Ngunit wala pang Cristo sa kalagayan noong pasimula ng paglalang. Inihayag lamang Siya nitong mga huling panahon:

“Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni’t inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:20)

Nahayag o nagkaroon ng katuparan ang nasa isip ng Diyos noong una ukol sa pagkakaroon ng Cristo nang Siya ay ipanganak ng isang babae, si Maria na Kaniyang ina:

“Datapuwa’t nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” (Gal. 4:4)

Paano ngayon sasabihing si Cristo ang Siyang Diyos na Manlalalang? Si Cristo mismo ay hindi papayag sa gayong aral. Manapa, ipinakilala ni Cristo kung sino lamang ang Diyos na dapat sampalatayanan upang makamit ng tao ang buhay na walang hanggan – ang Ama at hindi ang Anak ang iisang tunay na Diyos:

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak: … At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1, 3)

Hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili na Diyos, kundi “Anak” at “sinugo” ng Ama na Siyang iisang Diyos na tunay.

Samakatuwid, nagkakamali sa pagkaunawa at paggamit ng mga talata ng Banal na Kasulatan ang mga nagtuturo at naniniwalang si Cristo ay Diyos. Ang iisang tunay na Diyos ay ang Ama na lumalang ng lahat ng bagay. Hindi si Cristo ang Diyos na lumalang. Si Cristo ay nilalang. At bagama’t Siya ay pinagkalooban ng Ama ng maraming katangian at karangalang wala sa ibang tao, Siya ay tao sa likas na kalagayan. Ito ay isa sa mga aral na dapat panindiganan at sampalatayanan sapagkat ito ay ikapagkakaroon ng buhay na walang haggan.