Ang Nakatakdang Kapahamakan
Published in Pasugo, Dec 2005
Ang Nakatakdang Kapahamakan
Kung Alam Lamang ng Tao…
-Ika-6:10 ng umaga, Agosto 29, 2005, isang malakas na bagyo na pinangalanang Katrina at sinasabing pinakamapaminsala, ang humagupit sa New Orleans, Lousiana sa Estados Unidos. Pitong daan at higit pa ang namatay at tinatayang $200 bilyon ang kapinsalaang dulot nito…
-Ika-8:50 ng umaga, Huwebes, Hulyo 7, 2005, magkakasunod na pambobomba ang naganap sa London, England; 56 ang namatay at mahigit na 700 ang nasugatan…
-Ika-7:58 ng umaga, Linggo, Disyembre 26, 2004, sinalanta ng tsunami ang mga bansa sa Southeast Asia; tinatayang mahigit sa 250,000 ang binawian ng buhay…
-Ika-7:39 ng umaga, Marso 11, 2004, halos sabay-sabay na mga pagsabog ang yumanig sa mga pampasaherong tren sa Madrid, Spain; mahigit sa 200 ang namatay at 1,500 ang nasugatan…
-Ika-9:03 ng umaga, Martes, Setyembre 11, 2001, inatake ng mga terorista ang World Trade Center sa siyudad ng New York kaya gumuho ang Twin Towers; humigit-kumulang ay 3,000 ang nasawi…
ILAN LAMANG ANG mga ito sa mga pangyayaring nakaukit na sa gunita ng marami sa dahilang lubhang napakarami ang napinsala. Sino ang makalilimot sa larawan ng mga taong nasawi at binawian ng buhay, maging ng mga ari-ariang nasalanta dahil sa malagim na mga pangyayaring ito?
Kung nalaman lamang ng mga taong binawian ng buhay na sa oras, araw, at lugar na yaon ay magwawakas ang kanilang buhay, disin sana’y umiwas sila upang hindi mapahamak kundi maingatan ang kanilang buhay. Hindi sana sila pumayag na naroon sila sa ganoong lugar nang oras na yaon. Kung alam lamang ng tao…
Walang tao na pinapanginoon ng kamatayan
Likas sa tao na ingatan at ipagsanggalang ang kaniyang buhay, gawin ang lahat ng makabubuti rito, at hanapin ang mga bagay na makatutulong upang ito ay mapanatili. Ang totoo, maraming malalagim na pangyayari sa mundo ang naiwasan sana ng tao kung nalaman lamang niya ang mangyayari sa kinabukasan o sa hinaharap. Subalit gaya ng ipinahayag sa mga Banal na Kasulatan, hindi ito alam ng tao:
“Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas. Ano ang inyong buhay? Kayo nga’y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw, at pagdaka’y napapawi.” (Sant. 4:14)
Napakarupok ng buhay ng tao. Anuman ang kaniyang kalagayan sa buhay ay hindi siya sisinuhin ng kamatayan; mamamatay siya pagdating ng kaniyang takdang oras. Tiniyak ni Apostol Pablo na oras-oras at araw-araw ay nanganganib sa kamatayan ang tao:
“Bakit baga naman tayo’y nanganganib bawa’t oras? Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako.” (I Cor. 15:30-31)
Sapagkat ang kamatayan ay itinakda ng Diyos, hindi ito maiiwasan ng tao. Ganito ang isinasaad sa Hebreo 9:27:
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.”
Inilarawan din ng Biblia ang abang kalagayan ng tao sa harap ng kamatayan nang ganito:
“Walang tao na may kapangyarihan sa diwa upang pumigil ng diwa; ni walang kapangyarihan siya sa kaarawan ng kamatayan…” (Ecles. 8:8)
“Abang tao ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” (Roma 7:24)
Ang lalong malaking kapahamakan
Tangi sa kamatayan, hindi rin alam ng tao ang araw at oras ng ikalawang pagparito ni Cristo o ang Araw ng Paghuhukom:
“Nguni’t tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang… Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” (Mat. 24:36, 44)
Nagbigay ng palatandaan ang ating Panginoong Jesucristo upang ating malaman kapag ang Araw ng Paghuhukom ay malapit nang mangyari o “nasa mga pintuan nga.” At sapagkat ang mga palatandaang Kaniyang ibinigay ay natupad na, katulad ng mga digmaang aalingawngaw o mababalita, na susundan ng digmaan ng bansa laban sa bansa, na ang kinatuparan ay ang dalawang digmaang pandaigdig na naganap noong nakaraang siglo, at ang iba pa (ang kagutom, lindol at kahirapan) ay patuloy pang natutupad (Mat. 24:3, 33, 6-8), natitiyak nating ang wakas ay totoong malapit na.
Ayon din sa Biblia, sa Araw ng Paghuhukom, “bawat isa ay haharap sa hukuman ni Cristo” (II Cor. 5:10, Magandang Balita Biblia) at magbibigay sulit sa Diyos (Roma 14:12). Ang masasama ay pahihirapan sa “dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre,” at “sila’y walang kapahingahan araw at gabi” (Apoc. 21:8; 14:10-11; II Ped. 3:10,7). Ganito naman ang pahayag ni Propeta Zefanias ukol sa katapusan ng mundo:
“Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka’t wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” (Zef. 1:18)
Palibhasa’y hindi alam ng tao ang tiyak na araw at oras ng Paghuhukom, hindi ba makatuwiran lamang na ito ay kaniyang paghandaan? Hindi ba marapat lamang na paunlarin niya ang kaniyang buhay espirituwal at huwag gugulin ang kaniyang buhay sa mga bagay na walang kabuluhan, ni ubusin ang kaniyang panahon, salapi, at lakas sa mga material na bagay lamang? Hindi ba matuwid lamang na gugulin niya ang nalalabing panahon upang tiyakin na siya ay makakasama sa pagtahan sa Bayang Banal o makakabilang sa mga maliligtas at magmamana ng buhay na walang hanggan?
Ang wastong pag-iingat ng buhay
Gaano man ang paghahangad ng tao sa ganang sarili lamang niya na mapabuti at maingatan ang kaniyang buhay, nakikita natin na siya ay nabibigo sapagkat hindi niya hawak ang kaniyang buhay at hindi niya tiyak ang kaniyang sasapitin:
“Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay; at walang makatitiyak ng kanyang sasapitin.” (Jer. 10:23, MB)
Wala ring sapat na kaalaman o kakayahan ang tao upang maiseguro ang kaligtasan ng kaniyang buhay. Napakaikli at may hangganan ang kaniyang natatanaw, na maaaring sa kaniyang panukat ay tama ngunit magbubunga pala ng kaniyang kasawian at kapahamakan (Kaw. 14:12, Ibid.) At kahit na sa bawat sandali ay mabalisa ang tao sa pag-iisip tungkol sa mga pangangailangan niya sa buhay na ito ay hindi niya madaragdagan ang haba ng kaniyang buhay. Ganito ang tanong ng Panginoong Jesucristo:
“At sino sa inyo ang a pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?” (Lucas 12:25)
Paano matututuhan ng tao ang wasto at karapatdapat na pag-iingat ng kaniyang buhay? Napakahalaga na kilalanin ng tao ang Diyos sa lahat ng kaniyang lakad sapagkat ang Diyos ang Siyang nagtuturo ng landas na dapat lakaran ng tao. Isinasaad ito sa Kawikaan 3:6 at 5:
“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, At kaniyang ituturo ang iyong mga landas.
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, At huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.”
Ano pa ang kahalagahan ng pagkilala ng tao sa Diyos? Siya ang tanging nakaaalam ng mabuti para sa ating buhay:
“Ito pa ang sabi ni Yahweh: … ‘Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap’.” (Jer. 29:10-11, MB)
Ang tunay na kumikilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa Kaniyang mga utos (I Juan 2:3, Ibid.) ang siyang tunay na nag-iingat ng kaniyang buhay. Marapat lamang, kung gayon, na sangguniin ng tao ang Diyos sa kaniyang mga mithiin o plano sa buhay, at patuloy na sumunod sa Kaniyang mga utos upang mapanuto ang kaniyang buhay.
Napakalaki ng kinalaman ng relihiyon sa pag-iingat ng buhay ng tao. Ano ang utos o kalooban ng Diyos tungkol ditto?
“Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan: ‘Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang dating landas, alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan’. Subalit ang sabi nila, ‘Ayaw naming dumaan doon’.” (Jer. 6:16, Ibid.)
Utos ng Diyos na hanapin ng tao ang pinakamabuting daan at pagkatapos ay lakaran niya ito. Hindi Niya sinabi na sapat nang hanapin at sampalatayanan ang mabuting daan – ang kailangan ay lumakad doon. Ang daang tinutukoy na dapat lakaran ng tao ay ang Panginoong Jesucristo. Ayon sa ating Tagapagligtas, “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa” (Juan 10:7, Ibid.). Ang pagdaan kay Cristo ay ang pagpasok sa Kaniya sa paraang pumaloob sa kawan o sa Iglesia ni Cristo:
“I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe.” [Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas] (John 10:9, Revised English Bible)
Ang kawang binabanggit ay ang Iglesia ni Cristo:
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Kaya, kapag ang tao ay pumaloob sa Iglesia ni Cristo at pinapangyari ang gusto o kalooban ng Diyos, nagawa niya ang tunay na pag-iingat ng kaniyang buhay. Sa katunayan, tiniyak ng ating Panginoong Jesucristo na hindi makapananaig ang kamatayan sa Iglesiang itinayo Niya. Ganito ang Kaniyang pahayag:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18, MB)
Ang kamatayan, na kaibayo ng buhay at hindi nalalaman ng tao kung kailan darating, ay hindi makapananaig sa kaniya kung siya’y kaanib sa Iglesiang itinayo ni Cristo. Aagawin siya ng Diyos sa kamay ng kamatayan. Ganito ang isinasaad ng Biblia:
“Ang lahat ay mamamatay … Dumakila man ang tao, di niya maiiwasan, Tulad din ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay …Ngunit ako’y ililigtas, hindi ako babayaan, Aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan.” (Awit 49:10, 12, 15, Ibid.)
Katulad ng Panginoong Jesucristo, ang mga taong Kaniya o nasa Iglesia Niya na malalagutan ng hininga ay bubuhaying mag-uli. Sila ang maliligtas. At dahil sa mapagtatagumpayan nila ang kamatayan, sila ang tunay na nakapag-ingat ng kanilang buhay.
Ang wastong paghahanda
Ang Panginoong Jesucristo mismo ang nagpaalala na dapat paghandaan ang pagparito Niya sa Araw ng Paghuhukom:
“Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” (Mat. 24:44)
Kaya, kung iniingatan man ng tao ang kaniyang kasalukuyang buhay o ginagawa niya ang lahat upang huwag itong mapahamak, lalong dapat niyang paghandaan ang Araw ng Paghuhukom sapagkat ang nakasalalay rito ay ang kaligtasan ng kaniyang kaluluwa.
Itinuro ni Apostol Pedro kung paano magagawa ng tao ang wastong paghahanda sa Araw ng Paghuhukom:
“Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo’y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan…” (II Ped. 3:14)
Samakatuwid, anumang oras at araw dumating ang Araw ng Paghuhukom, ang tao ay dapat na nasa kapayapaan. Ipinaliwanag ni Apostol Pablo ang kahulugan nito:
“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya’y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo’y maging mapagpasalamat.” (Col. 3:15)
Ayon kay Apostol Pablo, ang katawan ang kinaroroonan ng kapayapaan, at ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia ni Cristo (Col. 1:18; Roma 16:16). Kaya, ang wastong paghahanda sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom ay ang maratnan ang tao ng araw na iyon sa loob ng tunay na Iglesia na tumutupad sa mga utos ng Diyos nang walang dungis at walang kapintasan.
Dakilang biyaya ang dulot ng pag-anib sa Iglesia ni Cristo sapagkat sa pamamagitan nito ay mapagtatagumpayan ng tao ang kamatayan at maliligtas siya sa kaparusahan sa Araw ng Paghuhukom.
<< Home