INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Monday, May 01, 2006

Ang kahuli-hulihang pagsusugo


Published in Pasugo, Oct 2002



DAHIL SA PAG-IBIG ng Diyos sa mga tao sa mga huling araw na ito, itinatag Niya ang kahuli-hulihang gawain sa pagliligtas. Ito na ang huling pagkakataon sa kaligtasan na ibinibigay Niya sa tao. Alamin natin kung alin ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng Biblia.


Binabanggit sa Isaias 41:4 ang mga sali’t saling lahi na tinawag ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa hula:


“Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali’t saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga.”

Ipinangako ng Diyos na kung paanong kasama Siya ng unang tinawag Niya ay gayundin ang huli. Sa mga sali’t saling lahing ito, si Abraham ang una (Gen. 12:1). At kaalinsabay ng pagtawag sa kaniya ay ang pagbibigay sa kaniya ng tipan at mga pangako:


“At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagka’t ikaw ay ginawa kong ama ang maraming bansa…At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako’y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo.” (Gen. 17:5, 7)


Si Abraham at ang kaniyang binhi ay binigyan ng tipang dumiyos sa Diyos. Ang tipang ibinigay ng Diyos kay Abraham ay isang tipang walang hanggan.



Ang mga tagapagmana

Ang mga sali’t saling lahi na nagmana ng tipang ibinigay kay Abraham ay ipinakilala rin ng Biblia:

Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, At ang kaniyang sumpa kay Jacob na pinakapalatuntunan, Sa Israel na pinakawalang hanggang tipan.” (Awit 105:9-10)

Ang tipan na ibinigay kay Abraham ay minana ni Isaac, pinagtibay kay Jacob, at pagkatapos ay sa bayang Israel. Kaya, noon, ang Israel lamang ang tanging bansa sa daigdig na tinubos ng Diyos dahil sa tipang minana nito kay Abraham (II Sam. 7:23-24, New Pilipino Version).

Subalit, ang Israel ay hindi namalagi sa pagiging bayan ng Diyos sapagkat ang mga Israelita ay tumalikod (Mal. 3:7, Ibid.). Lumayo sila sa kautusan ng Diyos sa halip na sumunod. Bunga nito, nawala sa kanila ang karapatan sa tipang kanilang minana kay Abraham.

Sapagkat ang tipan ng Diyos kay Abraham ay walang hanggan, bagaman tumalikod ang bayang Israel ay may nalabi naming isang binhi (Roma 9:27, 29). Ang binhng nalabi ay si Cristo:

“Ngayon kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Cristo.” (Gal. 3:16)

Itinuturing din na binhi ni Abraham ang mga kay Cristo:

“At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (Gal. 3:29)

Subalit ang banggit ay isang binhi? Paano naging isang binhi si Cristo at ang mga sa Kaniya? Niliwanag ito ni Apostol Pablo:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa isa ang isang taong bago, sa ganito’y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)

Nilalang ni Cristo sa Kaniyang sarili ang isang taong bago mula sa dalawa. Ang dalawa na binabanggit Niya ay ang ulo at ang katawan (Col. 1:18). Ang ulo ay si Cristo at ang katawan na kinaroroonan ng mga taong sa Kaniya ay ang Iglesia. Sa harap ng Diyos ay iisa lamang sila – isang taong bago.

Ang pangalan ng Iglesia na pinangunguluhan at katawan ni Cristo ay Iglesia ni Cristo:

“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, NPV)

Kaya, ang Iglesia ni Cristo ay binhi ni Abraham. Ito ang nagmana ng tipan ng Diyos kay Abraham nang tumalikod ang Israel. Subalit, ang unang Iglesia ni Cristo ay hindi rin namalagi sa tipan. Tumalikod din ito.



Sa mga huling araw

Nagkagayunman, dahil ang tipan kay Abraham ay walang hanggan, muling tumawag ang Diyos ng binigyan Niya ng tipan. Sa hula ni Propeta Isaias ay sinabi ang ganito:

“Nguni’t ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan; Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil.” (Isa. 41:8-9)

Ang hinuhulaan ay binhi rin ni Abraham. Tinawag siyang Israel at Jacob. Subalit, hindi ang Israel at Jacob sa laman ang tinutukoy dahil ang panahon ng pagtawag sa kaniya ay sa “mga wakas ng lupa.” Nilinaw ni Cristo kung kailan ang panahong “mga wakas ng lupa.”

“Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga.” (Mat. 24:33)

Ang “mga wakas ng lupa” ay katumbas ng binanggit ni Cristo na “nasa mga pintuan nga.” Ito ang panahong malapit na Siyang pumarito o malapit na ang wakas ng daigdig. May ibinigay napalatandaan si Cristo sa panahong “nasa mga pintuan” o nasa “mga wakas na ng lupa”. Ang sabi Niya, “pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.”

Ang isa sa mga ibinigay ni Cristo na palatandaan ay ang digmaang aalingawngaw:

“At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas.” (Mat. 24:6)

Sinabi rin sa hula ang uri ng digmaang tinutukoy. Ganito ang nakasulat sa Isaias 34:1-2:

“Kayo’y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanlibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito. Sapagka’t ang Panginoon ay may galit laban sa lahat ng bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan.”

Ang sinasabing digmaan ay sasaklaw sa “mga bansa” o sa buong “sang-libutan.” Kaya, ito ay digmaang pandaigdig.

Hinulaan din ang mga kasangkapang gagamitin sa digmaang ito. Sinabi ni Propeta Jeremias na kabilang sa mga kasangkapang gagamitin ang “mga kabayong matulin pa kaysa mga agila” at “mga karong parang ipo-ipo”:

“Narito, siya’y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka’t tayo’y nangapahamak. …Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako’y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka’t iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikidigma.” (Jer. 4:13, 19)

Lahat ng mga hulang binabanggit sa itaas ay natupad. Ang katuparan ay ang digmaang sumiklab noong 1914 na karaniwang tinatawag na Unang Digmaang Pandaigdig. Ganito ang patotoo ng isang aklat-kasaysayan:

“The First World War was unlike any war in the past. …This was the first war ‘in three dimensions’, the first war in which cities were bombed from the air and winged warriors fought among the clouds. Of course the airplanes of 1914 were not so fast, so formidable, nor so numerous as those of today. They were really more important as scouts (a kind of aerial ‘cavalry’), photographing enemy movements from above. …the British had invented the tank, or land battleship – an armored automobile which could move on rough ground because it was built like a tractor.” [Ang Unang Digmaang Pansanlibutan ay hindi katulad ng alinmang digmaan sa nakaraan. …Ito ang unang digmaan sa tatlong larangan, ang unang digmaan na ang mga lungsod ay binomba mula sa himpapawid at ang mga mandirigmang may pakpak ay naglabanan sa alapaap. Mangyari pa na ang mga eroplano noong 1914 ay hindi gaanong mabibilis, di gaanong matitibay, ni di gaanong marami di tulad ngayon. Ang mga ito ay sadyang lalong mahalaga bilang tagamanman (isang uri ng kabayuhang panghimpapawid), na kumukuha ng larawan mula sa itaas. …ng mga kilos ng mga kaaway. Naimbento ng Britanya ang tanke, o panlupang pandigmang bapor – isang aseradong awtomobil na maaaring dumaan sa mabakong lupa sapagkat ito ay niyaring katulad ng traktora.] (World History, pp. 478-479)

Ang digmaang sumiklab noong 1914 ay hindi lamang kinasangkutan ng maraming bansa sa daigdig, kundi, unang digmaan din ito sa tatlong larangan. Ang binabanggit sa hula na “mga kabayong matulin pa kaysa mga agila” at “mga karong parang ipoipo” ay ang mga eroplano at mga tanke na unang ginamit sa digmaang ito. Ito ay naganap sa panahong maunlad na ang komunikasyon. Naimbento na noon an radyo, telepono, at telebisyon. Bunga nito, umalingawngaw o napabalita sa buong mundo ang digmaang sumiklab noong 1914.

Kaya noong 1914, ang panahon ay nasa mga wakas na ng lupa. Ito ang panahon ng pagtawag ng Diyos sa Kaniyang sugo na hinuhulaan sa Isaias 41:8-9.


Ang huling pasugo

Hindi maipagkakamali ang sugong hinuhulaan sa ibang mga sugo na tinawag ng Diyos. Bukod sa panahon ng pagtawag sa kaniya ay hinulaan din ang dakong kaniyang pagmumulan:

“Kaya’t luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga’y ang pangalan ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa mga pulo ng dagat. Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarining kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid…” (Isa. 24:15-16)

Ang sugo ay magmumula sa bansang binubuo ng mga pulo sa Malayong Silangan. Ang katuparan ng dako na pagmumulan ng hinuhulaang sugo ay ang Pilipinas. Ayon sa kasaysayan:

The Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far East; the name means the ‘islands of Philip’ and refers to that grim ruler, King Philip II.” [Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusang pananakop sa malayong Silangan; ang pangalan ay nangangahulugang ‘mga pulo ni Felipe’ at tumutukoy sa malupit na pinunong iyon na si Haring Felipe II.] (World History, p. 445)

Ang Pilipinas ay nasa malayong Silangan. Binubuo ito ng mahigit sa 7, 100 mga pulo. Kaya, ang sugo ng Diyos at ang bunga ng Kaniyang gawain na hinulaan ni Propeta Isaias ay magmumula sa Pilipinas sa panahon ng mga wakas ng lupa.

Si Kapatid na Felix Y. Manalo ang kinatuparan ng hinulaang tinawag ng Diyos. Ang bunga ng gawain niya ay ang Iglesia ni Cristo na narehistro sa pamahalang Pilipinas noong Hulyo 27, 1914, kaalinsabay ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig. Taglay nito ang tipan ng Diyos kay Abraham na tipang walang hanggan. Ito ang gawaing pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw.

Ang susunod sa pasugong ito ay ang araw na ng paggapas. Nakasaad ang ganito sa aklat ng Apocalipsis na isinulat ni Apostol Juan:

“At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo’y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas. At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka’t dumating na ang oras ng paggapas, sapagka’t ang aanihin sa lupa ay hinog na.” (Apoc. 14:14-15)

Ang araw ng paggapas o pag-aani ay ang katapusan ng mundo ayon na rin kay Cristo:

“At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang Diablo: at ang pag-aani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.” (Mat. 13:39)

Kaya, ang “huli” sa sali’t saling lahi na tinawag ng Diyos ay si Kapatid na Felix Manalo. Ang gawaing iniatang sa kaniya ay siya ring huling pasugo ng Diyos sapagkat ito ay aabot na hanggang sa katapusan ng mundo. Ito ang huling pagkakataon na ibinibigay ng Diyos upang ang tao ay maligtas.