INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Tuesday, January 22, 2008

Si Cristo ba ang Diyos na Lumikha ng Buhay?

Published in God's Message (Pasugo) Nov 2007

SUSURIIN NATIN SA lathalaing ito ang isa sa mga talata ng Biblia na binibigyan ng maling interpretasyon upang magamit na batayan sa paniniwalang si Cristo ang tunay na Diyos. Ang tinutukoy dito ay ang nakasulat sa Gawa 3:15.

Ang kamalian ng pakahulugan na ibinibigay sa talatang ito ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos ay madaling makita dahil malayung-malayo iyon sa tunay na kahulugan ng nilalalaman ng talata.

Cristo: Manlilikha?
Ganito ang isinasaad sa Gawa 3:15:

“At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito.”

Sa talatang ito ay binigayang-diin ng mga nagtuturong si Cristo ay Diyos ang pariralang “Lumikha ng buhay.” Sinasabi nila na yayamang ang Diyos ang lumikha ng buhay, at si Cristo ang tinutukoy sa talata, kung gayon, si Cristo raw ay Diyos.

Hindi natin tinututulan na si Cristo nga ang tinutukoy sa talata na “Lumikha ng buhay.” Subalit ibig bang sabihin nito ay Diyos na Siya? Paano naman ang sinasabi sa talata na, “At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na mag-uli sa mga patay”? Alam natin na ang tunay na Diyos na lumikha ng buhay ay hindi maaaring mamatay. Ganito ang pinatutunayan ni Apostol Pablo:

“Dakilain at purihin magpakailan man ang walang hanggan at walang kamatayang Hari - ang di-nakikita at kaisa-isang Dios! Amen.” (I Tim. 1:17, Salita ng Buhay)

Samakatuwid, kung sinasabi man na si Cristo ang binabanggit sa Gawa 3:15 na “Lumikha ng buhay,” hindi pa rin ito maaaring gamiting katunayan na Siya ay Diyos dahil sinasabi rin sa talata na Siya ay namatay, kaya nga binuhay na muli – taliwas sa katangian ng tunay na Diyos na walang kamatayan. Dahil dito, natitiyak natin na binigyan lamang ng maling pakahulugan ang nabanggit na talata kaya nagagamit ito bilang batayan daw sa pagtuturo ng aral na si Cristo ay Diyos.

Ang kahulugan ng ‘Lumikha ng buhay’
Bakit, kung gayon, tinawag ang Panginoong Jesucristo na “Lumikha ng buhay” sa Gawa 3:15? Ganito ang paliwanag ni Apostol Juan kaugnay nito:

“Yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.” (Juan 17:2, Ang Bagong Ang Biblia)

Ang buhay na walang hanggan na kailangan ng tao ay ibibigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Sa kahulugang ito, si Cristo ay sinasabing Siyang “Lumikha ng buhay” hindi dahil sa si Cristo ang Diyos na Manlilikha ng lahat, kundi dahil si Cristo’y binigyan ng Diyos ng kapamahalaan na bigyan ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay ng Ama sa Kaniya.

Kaya sa Biblia na isinalin ng isang Lupong Tagapagsalin na binubuo ng mga Katoliko at Protestante ay ganito ang pagkakasalin ng Gawa 3:15:

“Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa bagay na ito.” (Magandang Balita Biblia)

Siya ang Pinagmumulan ng buhay, sapagkat sa bisa ng awtoridad na kaloob ng Diyos sa Kaniya ay bibigyan Niya ng buhay na walang hanggan ang mga ibinigay ng Diyos sa Kaniya.

Isa pa, na kay Cristo ang batas o kautusan ng espiritu ng buhay:

“Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus. Sapagka’t ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:1-2)

Kaya, ang mga kay Cristo ay hindi na hahatulan at sa kanila rin ipinangako ang buhay na walang hanggan na nasa Kaniya. Subalit sino ang makikinabang sa buhay na walang hanggan na na kay Cristo?

“Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayon din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo.” (I Cor. 15:22, MB)

Ang buhay na walang hanggan na na kay Cristo ay ibibigay sa mga may kaugnayan sa Kaniya. Hindi sapat na maniwala o sumampalataya lamang kay Cristo upang matamo ang kaligtasan at ang buhay na walang hanggan.

Ang mga pagkakalooban ng buhay na na kay Cristo
Mahalagang maugnay kay Cristo ang tao upang magtamo siya ng buhay na walang hanggan. Narito ang dapat na sundin ng tao:

“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas.” (Juan 10:9)

Ang pagpasok kay Cristo ay hindi sa pamamagitan ng pagpapaphayag lamang ng pagsampalataya sa Kaniya. Kailangan din ng tao na maging sangkap ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa Iglesia ni Cristo:

“Kayo nga ang katawan ni Cristo, at mga kaanib ang bawat isa.” (I Cor. 12:27, King James Version, isinalin mula sa Ingles)

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga’y ng iglesia.” (Col. 1:18)

“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.” (Roma 16:16)

Samakatuwid, alinsunod sa Biblia, ang may kaugnayan kay Cristo ay ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Sila ay nakatitiyak na wasto ang kanilang pagkilala sa Diyos at kay Cristo at dahil dito ay makaaasa sila sa buhay na walang hanggan na ibibigay ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.