Ang wastong pagpili ng kapalaran
Published in God's Message (Pasugo) Sept 2007
ANG AKALA NG IBA ay nakatakda na ang guhit ng kanilang palad at wala na silang magagawang anuman ngayon upang mabago pa ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. “Bahala na,” ang wika nila, “kung ano ang mangyayari sa darating.”
Hindi lamang sa pang araw-araw na pamumuhay nila ginagamit ang gayong pananaw kundi maging sa usapan tungkol sa relihiyon, kaya ipinagwawalang-bahala ng mga nagtataglay ng gayong paniniwala ang bagay na espirituwal. Iniisip nilang kung sila’y nakatalagang magtamo ng pagpapala ay mapapasakanila iyon kahit hindi nila hanapin at kung hindi naman iyon para sa kanila ay wala rin silang magagawa upang ito’y kanilang makamit.
Salungat sa mga aral na itinuturo ng Biblia ang gayong kaisipan. Ayon sa Biblia, ang tao ay binigyan ng Diyos ng kalayaan ng kalooban upang piliin ang kaniyang magiging kapalaran. Inilagay ng Diyos sa harap ng tao ang buhay at ang kamatayan, ang papapala at ang sumpa. Ganito ang sinasabi sa Deuteronimo 30:19-20: “Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi; Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka’t siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw;…”
Kapag ang patakarang sinunod ng tao sa kaniyang buhay ay ang pagwawalang-bahala sa hinaharap, ang pinababayaan niya ay ang kaniyang sariling kapakanan. Wala siyang ibang masisisi kundi ang sarili na rin, kung sa halip na siya’y magtamo ng magandang kapalaran ay humantong siya sa kasawian. Ang panukalang inihanda ng Diyos ay para sa ikabubuti ng mga taong nilalang Niya. Ito ang dahilan kung bakit bagaman pinagkalooban Niya ang tao ng kalayaan ng kalooban na makagawa ng pagpapasiya para sa kaniyang sariling kapalaran ay sinabi rin Niyang ang dapat piliin ng tao ay ang buhay.
“Piliin mo ang buhay,” ang sabi ng Diyos, “upang ikaw ay mabuhay.” Hindi na kailangang magbakasakali ang tao o sumangguni pa sa mga nagpapakilalang manghuhula upang malaman niya kung magiging mabuti o hindi ang kaniyang kapalaran. Itinuro ng Diyos kung paano mapaghahandaan ng tao ang buhay na darating. Sinabi ng Diyos kung paano magagawa ng tao ang pagpili sa buhay: dapat niyang ibigin ang Panginoong Diyos at sundin ang Kaniyang mga utos. Kapag inibig at sinunod ng tao ang Diyos o pinili niya ang buhay, tiyak na mabubuhay siya. Ang pahayag na ito ay hindi masisira kailanman sapagkat ang nagsabi nito at nag-aalok ng magandang kapalaran sa tao ay ang Lumikha sa kaniya, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Sa kabilang dako, mayroon ding iniaalok ang diablo sa tao, na alam nating kung iyon ang pipiliin ng sinuman, ang ibubunga ay kamatayan at sumpa. Ang nais ng diablo ay ipahamak ang tao sa pamamagitan ng kaniyang pandaraya at panlilinlang tulad ng ginawa niya sa mga unang taong nilalang ng Diyos.
Tinukso ng diablo sina Eva at Adan upang sila’y kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal sa kanila na kainin. Lumabag sa utos ang mga unang tao hindi dahil sa hindi nila alam ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos. Ang totoo’y nagawa pa nga nilang ulitin sa diablo ang utos na tinanggap nila mula sa Diyos. Subalit higit nilang pinaniwalaan ang diablo na kumumbinsi sa kanila na mapapabuti ang kanilang kapalaran kung susuwayin nila ang utos ng Diyos na ibinigay sa kanila. Ganito ang sabi sa Genesis 3:6: “At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito’y kumain.”
Samakatuwid, nang sila’y nasa sitwasyong kailangan silang mapasiya at pumili kung alin sa iniaalok ng Diyos at sa iniaalok ng diablo ang kanilang pahahalagahan, ang pinili nila’y ang waring mabuting alok ng diablo, kaysa sa utos ng Diyos. Alam nating hindi sila napabuti. Bagkus, ano ang masamang ibinunga sa mag-asawa dahil hindi naging wasto ang kanilang pagpili sa magiging kapalaran ng kanilang buhay? Sinumpa ng Diyos, hindi lamang ang kanilang pamumuhay, kundi maging ang kanilang buhay mismo – ito ay tinakdaan ng kamatayan (Gen. 3:16-19, 23). At upang matupad ang sumpa sa kanila, pinalayas sila sa halamanan ng Eden. Inalis sa kanila ang karapatang mabuhay sa piling ng Diyos. Napahamak sila sapagkat hindi nila natutuhang pahalagahan ang mga kautusang ibinigay sa kanila ng Diyos.
Ang Panginoong Jesucristo ay inalok din ng diablo ng pagkain at iba pang pakinabang na pansanlibutan subalit pinili Niya ang pagsunod at pagpapahalaga sa mga utos ng Diyos, kaya hindi nagtagumpay ang pandaraya ng diablo sa Kaniya.
Noong ang Panginoong Jesucristo ay nasa sitwasyong kailangang-kailangan Niya ang pagkain, sapagkat katatapos lamang Niyang mag-ayuno ng 40 araw at 40 gabi, tinukso Siya ng diablo at sinabing kung Siya ang Anak ng Diyos ay ipag-utos Niyang ang mga bato ay maging tinapay. Sa halip na matukso sa inialok ng diablo ay sinabi Niya ritong “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios” (Mat. 4:4). Bakit hindi natukso o nadaya si Cristo kahit nang alukin Siya ng kayamanan at kapangyarihan sa sanlibutan? Sapagkat nanghawak Siya sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Nanindigan Siya sa pagsunod sa mga aral ng Diyos. “Kaya,” ayon kay Apostol Pablo, “siya naman ay pinadakila ng Dios, at siya’y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan; Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Filip. 2:9-11).
Ano ang ipinagagawa sa atin upang hindi tayo mapagtagumpayan ng diablo? Sa Efeso 6:11 ay sinasabi ang ganito: “Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo” (Magandang Balita Biblia). Ito ang nagagawa natin kung ginagamit din natin ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia at itinuro sa atin upang labanan ang pandaraya ng diablo.
Dapat nating labanan ang diablo sapagkat ang layunin nito’y hadlangan ang tao sa pagtatamo ng mabuting kapalaran at, lalo na, ng kaligtasan.
Sa panahong Cristiano, dalawang magkaibang daan na may magkaibang tunguhin ang kailangang pagpilian ng tao at sa pagpapasiyang ito’y buhay at kapahamakan din ang nakataya. Sabihin pa, ang nais ni Cristo na piliin ng tao ay ang daang patungo sa buhay: “Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon” (Mat. 7:13-14, Ibid.)
Maliwanag na nakataya rin sa gagawing pagpili ng tao sa dalawang magkaibang pintuan ang kaniyang magiging kapalaran. Ang malapad na daan ay patungo sa kapahamakan at ang makipot nama’y patungo sa buhay. Sino ang makipot na pintuang patungo sa buhay? Ang sabi ni Cristo’y “Ako ang pintuan, sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas…” (John 10:9, salin sa Pilipino mula sa Revised English Bible). Ang kawan na kinapapalooban ng mga pumasok kay Cristo ay ang Iglesia na binili o tinubos ng dugo ni Cristo, gaya ng pinatutunayan sa Gawa 20:28 sa salin ni Lamsa: “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na binili niya ng kaniyang dugo.” Ang pagpasok ng tao sa Iglesia ni Cristo ay isang malinaw na katibayan na ang pintuang pinili niyang pasukan ay yaong patungo sa buhay.
Si Cristo mismo ang nagbigay ng garantiya na ang Iglesiang itinayo Niya, na tinawag sa Kaniyang pangalan (Roma 16:16), ay hindi mapananaigan kahit ng kapangyarihan ng kamatayan (Mat. 16:18, MB), kaya tiyak na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia ni Cristo ang pumasok sa pintuang patungo sa buhay.
Yaong mga hindi pa nagagawang piliin ang daang patungo sa buhay ay may pagkakataon pang gawin ito. At sa panig naman ng mga nakasunod na sa utos ng Panginoong Jesucristo na pumasok sa Kaniya bilang pintuang patungo sa kaligtasan at sa buhay na walang hanggan, itinuro rin ng Biblia ang paraan kung paano maiingatan ang karapatan sa pagtatamo ng buhay. Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 4:11-13: “Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; Aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran. Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; At kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod. Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: Iyong ingatan: sapagka’t siya’y iyong buhay.”
Samakatuwid, anuman ang mangyari, ang mga pumili sa buhay ay dapat manindigan at manghawak na mabuti sa turo ng Diyos. Ang nag-iingat at nanghahawak sa turo ay hindi lumalakad sa landas ng masama, manapa’y nagbabagong-buhay at lumalayo siya sa lahat ng tukso at kasamaan. Samakatuwid, maging sa landas na nilalakaran ng tao araw-araw ay mayroon siyang dapat gawing pagpili.
Malinaw na sinasabi sa Biblia ang ganito: “Huwag kang pumasok sa landas ng masama, At huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao. Ilagan mo, huwag mong daanan; Likuan mo, at magpatuloy ka” (Kaw. 4:14-15).
Inuutusan tayong magpasiya na ilagan ang lakad at landas ng masamang tao. Sapagkat nais ng Diyos na piliin natin ang maghahatid sa atin sa pagpapala at buhay upang matupad ang panukala Niya sa paglalang sa atin.
<< Home