INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Tuesday, March 28, 2006

Mga Hidwang Aral Ng Nagtalikod Sa Tunay Na Iglesia


Published in Pasugo, Sept-Oct 1988

Narito ang isang maikling tala ng mga maling doktrina na itinataguyod ng mga humalili sa panahon ng mga Apostol:


1. Ang dating pangalang Iglesia ni Cristo (Roma 16:16) ay binago nila sa pamamagitan ni Ignacio ng Antiokya na unang gumamit ng pangalang “Katolika” upang itawag sa Iglesia. Isang malinaw na katibayan ng paghiwalay sa dating doktrina at pagsunod sa hidwang aral. (Rev. Bertrand Conway, The Question Box, p. 132)


2. Itinuro din ni Ignacio na si Cristo ay Diyos. Ito’y salungat sa sinabi mismo ni Cristo na Siya ay tao (Juan 8:40) at ayon sa Diyos, ang tao ay hindi Diyos (Ose. 11:9). (Augustus H. Strong, Systematic Theology, p. 305)


3. Itinuro ang pagsamba sa mga relikya na ito ay isang tahasang paglabag sa mga kautusan ng Diyos na nakasulat sa Exodo 20:3-5. (Rev. Bertrand Conway, The Question Box, p. 373)


4. Ipinagbawal ang pag-aasawa at ipinagbawal ang pagkain ng lamang-kati o karne (155-220 A.D.). Ito ang binabanggit ni Pablo sa I Timoteo 4:1,3 na mga aral ng demonio na ituturo ng mga tatalikod sa pananampalataya. (Ibid., pp. 313, 440; The Catholic Encyclopedia, Vol. III, p. 484)


5. Ang pagkukumpisal sa pari ay itinuro sa panahon ni Origen, 185-254 A.D. (Conway, op. cit., pp. 285-286) samantalang sinasabi ng Biblia (Awit 32:5; I Juan 1:9) na ang mga kasalanan sa Diyos ay sa Diyos lamang dapat ikumpisal.


6. Itinuro na dapat bautismuhan ang mga sanggol sa panahon ni Ireneo, 185 A.D. (Ibid., p. 243) gayong labag ito sa aral ni Cristo na ang dapat lamang bautismuhan ay ang pinangaralan ng ebanghelyo at sumampalataya, na hindi magagawa ng isang sanggol.


7. Noong 381 A.D. ay itinuro ng Konsilyo ng Konstantinopla na ang Espiritu Santo ay Diyos, isang aral na hindi kailanman itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga Apostol. (Rev. Clement H. Crock, Discourses on the Apostles’ Creed, p. 206)


8. Ang pananalangin para sa patay ay itinuro ni Cirilo ng Jerusalem ( 315-386 A.D.) na isang tahasang pagsalungat sa aral ng Diyos na nakasulat sa Ecclesiastes 9:5-6. (Conway, op. cit., p. 395)


9. Ang diumano ay kawalang kasalanan ni Maria na ina ni Jesus ay itinuro ni Agustin ng Hippo, 354-430 A.D. (Ibid., p. 360). Sa Biblia, si Jesucristo lamang ang ipinakikilalang tanging tao na hindi nagkasala.


10. Sa panahon din ni Agustin lumitaw ang aral tungkol sa “kasalanang orihinal” at tiniyak ng Konsilyo ng Kartago, 418 A.D., (Ibid., p. 220). Ang kasalanan ayon sa Biblia (I Juan 3:4; Sant. 4:17; Roma 5:14) ay hindi minamana.