INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Tuesday, March 28, 2006

Nasa Biblia Ba Ang Aral Na Ang Diyos Ay May Tatlong Persona?

Published in Pasugo, Sept-Oct 1988


ANG ISA SA mga aral na itinataguyod ng Iglesia Katolika at ng mga Protestante ay ang tinatawag na “Santisima Trinidad.” Maraming mga tao ang nag-aakalang mula sa Biblia ang aral na ito. Dahil dito ating suriin ang aral na ito upang matiyak kung ito ay nakasalig sa mga katotohanang itinuturo ng Banal na Kasulatan. Gagawin natin ang pagsusuri sa pamamagitan ng isang magaang na paraan ng pag-aaral.

Tanong. Ano ang tinatawag na Santisima Trinidad ng Iglesia Katolika at ng mga Protestante?

Sagot. Ang Santisima Trinidad daw ay ang isang Diyos na binubuo ng tatlong ibat’t ibang persona – ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo – na tunay raw na pantay-pantay at walang pagkakaungusan.

“Iniaaral ng Iglesia Katolika na may isang Diyos lamang,…

“Sa isang Diyos na ito’y may tatlong iba’t ibang Persona, - Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, na tunay na pantay-pantay at walang pagkakaungusan.” 1

T. Ayon na rin sa pagtatapat ng Iglesia Katolika, nasa Biblia ba ang tinatawag nilang Santisima Trinidad?

S. Wala at hindi rin naaayon sa Biblia ang Trinidad.

“Though the exact terms in which the Church has formally defined the dogma of the Blessed Trinity… are not in the Bible, and may, therefore, in a sense be called unscriptural;…” 2
Sa Pilipino:

“Bagama’t ang mga tiyak na salitang ginamit ng Iglesia (Katolika) upang opisyal na ipaliwanag ang aral ng Pinagpalang Trinidad… ay wala sa Biblia, at maaari, kung gayong sabihin, sa isang kahulugan na hindi naaayon sa Biblia;…”

T. Sino ang umimbento ng terminong Trinidad?

S. Si Tertuliano.

“The term ‘Trinity’ is not found in the Scriptures,… The invention of the term is ascribed to Tertullian.” 3
Sa Pilipino:

“Ang katawagang ‘Trinidad’ ay wala sa Banal na Kasulatan,… Ang pagkakakatha ng katawagan ay ipinalalagay na gawa ni Tertuliano.”

Nota: Si Tertuliano ay hindi kabilang sa mga naging alagad ni Cristo ni kasama sa mga taong sumulat ng Bagong Tipan. Kundi, isa siya sa mga itinuturing na unang Ama ng Iglesia Katolika.

T. Ano ang dahilan at inimbento ni Tertuliano ang terminong Trinidad?

S. Inimbento ni Tertuliano ang termino upang gamitin sa binalangkas niyang doktrina na Trinidad.

“Tertullian was the first to use the term ‘Trinity’ and to formulate the doctrine, but his formulation was deficient, since it involved an unwarranted subordination of the Son to the Father.” 4

Sa Pilipino:

“Si Tertuliano ang unang gumamit ng terminong ‘Trinidad’ at siyang bumalangkas sa doktrinang ito, ngunit ang ginawa niyang balangkas ay may kamalian, sapagkat nasangkot doon ang di makatwirang pagtuturo na ang Anak ay mababa kaysa sa Ama.”

T. Kailan sinimulang buuin ng Iglesia Katolika ang kanilang aral ukol sa Trinidad?

S. Noong ika-4 na siglo lamang.

“…The Church began to formulate its doctrine of the Trinity in the fourth century. The Council of Nicea declared the Son to be co-essential with the Father (325 A.D.), while the Council of Constantinople (381 A.D.) asserted the deity of the Holy Spirit. Though not with the same precision.” 5

Sa Pilipino:

“…Sinimulang buuin ng Iglesia (Katolika) ang doktrina nito ukol sa Trinidad noong ika-4 na siglo. Ipinahayag ng Konsilyo ng Nicea na ang Anak ay may esensiya na katulad ng sa Ama (325 A.D.), samantalang iginiit ng Konsilyo ng Constantinople (381 A.D.) ang pagiging-diyos ng Espiritu Santo, bagaman hindi kasing tiyak.”

T. Ano ang suliraning bumangon samantalang binubuo ng Iglesia Katolika ang kanilang aral na Trinidad?

S. Nagkaroon muna ng malawak at mga mapapait na pagtatalo sa loob ng Iglesia Katolika tungkol sa pagpapaliwanag sa Trinidad.

“…Tertullian and Cyprian in North Africa, Clement and Origen in Alexandria, began to clarify and define the still inchoate doctrine concerning the relation of the Father, Son and Holy Spirit, and to set forth the claims of the Church to power and authority. But lack of complete agreement among them gave scope to acrimonious disputes.” 6

Sa Pilipino:

“…Nagsimulang linawin at bigyang pakahulugan nina Tertuliano at Cipriano ng Hilagang Aprika, Clemente at Origen ng Alejandria, ang hindi pa organisadong mga doktrina tungkol sa relasyon ng Ama, Anak at Espiritu Santo, at upang ipahayag ang mga pag-aangkin ng Iglesia sa kapangyarihan at karapatan. Subalit ang kawalan ng pagkakasundo sa gitna nila ay nagpakalawak sa mapapait na mga pagtatalo.”

T. Ano ba ang naging paniniwala o opinion ng lahat ng mga teologo ng Iglesia Katolika tungkol sa Anak (Cristo) bago ang Konsilyo sa Nicea?

S. Ang lahat ng mga teologo ng Iglesia Katolika noon ay nagkaisa ng paniniwala na mababa ang Anak sa Ama.

“Before the Council of Nicea (AD 325) all theologians viewed the Son as in one way or another subordinate to the Father.” 7

Sa Pilipino:

“Bago ang Konsilyo sa Nicea (AD 325) binigyan ng opinion ng lahat ng mga teologo na ang Anak ay mababa kaysa sa Ama.”

T. Ano naman ang paniniwala ni Origen na isa rin sa mga kinikilalang unang Ama ng Iglesia Katolika tungkol sa Espiritu Santo?

S. Ang paniniwala ni Origen ay mababa ang Espriritu Santo sa Ama at maging sa Anak.

“…Origen went even further in this direction by teaching explicitly that the Son is subordinate to the Father in respect to essence, and that the Holy Spirit is subordinate even to the Son….” 8

Sa Pilipino:

“… Pumalaot si Origen sa direksyong ito sa pamamagitan ng maliwanag na pagtuturo na ang Anak ay mababa kaysa Ama kapag ang pag-uusapan ay esensiya, at ang Espiritu Santo ay mababa maging sa Anak….”

T. Kailan lamang nabuo ng Iglesia Katolika ang kumpletong pormulasyon ng doktrina ukol sa Trinidad?

S. Noon lamang 675 A.D. sa ika-11 Kapulungan ng Toledo.

“The most complete formulation of the doctrine of the Trinity in a Creed since the times of the Fathers is found in the Symbol of the 11th Synod of Toledo (675), which is composed mosaic-like out of texts from the Fathers (above all from St. Augustine, St. Fulgentius, St. Isidore of Seville), and of former Synods (especially that of the 6th Synod of Toledo, 638), D. 275-281.” 9

Sa Pilipino:

“Ang pinaka-kumpletong pormulasyon ng doktrina ng Trinidad sa isang Kredo mula nang panahon ng mga Ama ay matatagpuan sa Kredo ng ika-11 Kapulungang Toledo (675), na binuong tulad sa mosaik na hinango sa mga tekstong mula sa mga Ama ( higit sa lahat mula kina San Agustin, San Fulgencio, San Isidro ng Seville), at sa mga naunang Kapulungan (lalo na ang ika-6 na Kapulungan ng Toledo, 638), D. 275-281.”

T. Mapapatunayan ba ng Iglesia Katolika sa pamamagitan ng katuwiran ang kanilang aral ukol sa Trinidad?

S. Inamin ng Iglesia Katolika na hindi nila ito kayang mapatunayan sa pamamagitan ng katuwiran ni hindi rin nila mapapatunayan na ang aral na ito ay possible.

“…according to the teaching of the Church, the dogma of the Blessed Trinity… is a mystery in the fullest sense; that is to say, it cannot be proved by reason,… nay, it cannot be proved to be possible.” 10

Sa Pilipino:

“… sang-ayon sa turo ng Iglesia (Katolika), ang dogma ukol sa Santisisma Trinidad… ay isang hiwaga sa pinakaganap na kahulugan; na ang ibig sabihin, ito ay hindi maaaring patunayan sa pamamagitan ng katuwiran,…na hindi rin maaaring patunayan na ito ay posible.”

T. Ang mga karaniwang kaanib ba lamang sa Iglesia Katolika ang hindi makapagpapatunay at hindi nakauunawa ng aral tungkol sa Trinidad?

S. Walang sinumang makauunawa ng kanilang aral na Trinidad – maging ang kanilang pinakamarunong daw na teologo, ang pinakabanal daw na Papa, at maging ang pinakadakila daw na santo.

“The Trinity is a wonderful mystery. No one understands it. The most learned theologian, the holiest Pope, the greatest saint, all are mystified by it as the child of seven. It is one of the things which we shall know only when we see God face to face….” 11

Sa Pilipino:

“Ang Trinidad ay isang kamangha-manghang misteryo. Walang sinumang nakauunawa nito. Ang pinakamarunong na teologo, ang pinakabanal na Papa, ang pinakadakilang santo, silang lahat ay nahihiwagahan dito tulad ng isang batang may pitong taong gulang. Isa ito sa mga bagay na malalaman lamang natin kapag nakita na natin ang Diyos nang mukhaan…”

T. Anu-ano ang mga aral ng Biblia na sinasalungat ng pagtuturong ang tunay na Diyos ay iisa subalit may tatlong persona?

S. Sinasabi sa Biblia na ang Diyos ay mag-isa at walang kagaya.

“Sapagka’t ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: Ikaw na magisa ang Dios.

“Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon; Wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa.” (Awit 86:10, 8)

T. Bakit hindi na maaaring dagdagan pa ng magiging kagaya ang tunay na Diyos?

S. Sapagkat ang tunay na Diyos ay isang ganap na Diyos at wala nang iba liban sa Kaniya.

“Kayo’y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang unang mga panahon? Sinong nagpahayag niyaon nang una? Hindi baga ang Panginoon? At walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.” (Is. 45:21)

T. Sa paglipas kaya ng mga panahon ay hindi na mababago ang katotohanang ito?

S. Hindi na, sapagkat pinatutunayan mismo ng Diyos na wala ng ibang Diyos kahit pa sa darating.

“Israel, ikaw ang saksi ko, Hinirang kita upang maging lingkod ko, Upang makilala mo ako At manalig ka sa akin, Walang ibang diyos na una sa akin, Ni mayroon pa mang iba na darating.

“Ako ang Diyos, Sa mula’t mula pa, Ang nasa kamay ko’y Hindi makukuha ng sinuman; At walang makahahadlang Sa aking ginagawa.” (Is. 43:10, 13, Magandang Balita)

T. Bakit sa lahat ng panahon ay isa lamang ang tunay na Diyos na dapat kilalanin ng tao?

S. Sapagkat ang tunay na Diyos ang kauna-unahan at kahuli-hulihan.

“Ganito ang wika ng Panginoon, hari ng Israel, na kanyang manunubos, ang Panginoon ng mga hukbo: Ako ang kauna-unahan at ang kahuli-hulihan; at liban sa akin ay wala nang iba pang Diyos.” (Is. 44:6, Abriol)

T. Kaya, nang dumating ang panahong Cristiano, sino at ilan ang tunay na Diyos na ipinakilala ni Cristo?

S. Ang Ama ang ipinakilala ni Cristo na iisang Diyos na tunay.

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:

“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:1, 3)

T. Sinasang-ayunan ba ni Cristo ang itinuturo ng Iglesia Katolika at ng mga Protestante na magkapantay sila ng Ama?

S. Hindi, sapagkat kinikilala Niya na ang Ama ay lalong dakila kaysa Kaniya.

“Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y mangagagalak, dahil sa ako’y pasasa Ama: sapagka’t ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.” (Juan 14:28)

T. Ano ang lalong nagpapatotoo na hindi nga kapantay ng Ama si Cristo?

S. Kapag ang lahat ng bagay ay napasuko na ng Diyos kay Cristo, si Cristo naman ay paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos.

“Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: ‘ Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos.’ (Ngunit sa salitang ‘lahat ng bagay’, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.) At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.” (I Cor. 15:27-28, MB)

T. Sino naman ang pinatutunayan ng mga Apostol na nasa ibabaw ng lahat na katunayan pa rin ng malaking kahigitan ng Ama kay Cristo?

S. Ayon kay Apostol Pablo ang Ama ang nasa ibabaw ng lahat.

“Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.” (Efe. 4:6)

T. Naaayon ba sa aral ng Biblia ang pagtuturong ang Espiritu Santo ay kapantay ng Ama?

S. Natitiyak nating hindi sapagkat ayon kay Cristo, ang Espiritu Santo ay isinusugo ng Ama.

“Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.” (Juan 14:26)

T. Ang Ama ba lamang ang tanging nakapagsusugo sa Espiritu Santo?

S. Naisusugo rin ng Anak ang Espiritu Santo.

“Datapuwa’t pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin.” (Juan 15:26)

T. Ayon na rin sa patotoo ng Iglesia Katolika, sino ba ang higit na nakatataas, ang nagsusugo o ang isinusugo?

S. Pinatutunayan ng Iglesia Katolika na mas nakatataas ang nagsugo kaysa isinusugo.

“Di ba ang kapangyarihang nagsusugo ay mataas kaysa sinusugo?” 12

Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia at maging ng iba’t ibang aklat ng Iglesia Katolika at ng mga Protestante na ang doktrina ukol sa Trinidad ay wala at hindi naaayon sa pagtuturo ng Biblia. Kaya ang sinumang magpapatuloy sa paniniwalang ang tunay na Diyos ay may tatlong Persona ay nagtataglay ng hidwang pananampalataya at ang hidwang pananampalataya, ayon sa mga Apostol, ay hindi ikaliligtas kundi ikapapahamak.

SANGGUNIAN:

1 James Cardinal Gibbons, Ang Pananampalataya Ng Ating Mga Ninuno, p. 8.

2 Rt. Rev. Msgr. Joseph Pohle, Ph. D., D.D., The Divine Trinity: A Dogmatic Treatise, p. 22.

3 Augustus Hopkins Strong, D.D, LL.D., Systematic Theology, p. 304.

4 L. Berkhof, Systematic Theology, p. 82.

5 Ibid., p. 82-83.

6 John B. Noss, Man’s Religions, p. 624.

7 Eerdman’s Handbook to the History of Christianity, pp. 112-113.

8 Berkhof, op. cit., p. 82.

9 Dr. Ludwig Ott, Fundamentals of Catholic Dogma, p. 33

10 Rev. C. F. Blount, S. J., The Blessed Trinity. p. 2.

11 Martin J. Scott, S.J., God and Myself: An Inquiry Into The True Religion, p. 118.

12 Gibbons, op. cit., p. 8.