INC - candy & family

"I have not hidden Your righteousness within my heart; I have declared Your faithfullness and Your salvation; I have not concealed Your lovingkindness and Your truth ..." (Ps. 40:10, NKJV)

Tuesday, October 24, 2006

Katunayan nga ba ng pagiging Diyos ni Cristo?

Published in Pasugo, Aug 2006

Isang pagtalakay sa ilan pang talata ng Biblia na ginagamit na batayan ng mga nagsasabing si Cristo ang tunay na Diyos.


SA ARTIKULONG ITO ay susuriin natin ang ilan pa sa mga talata ng Biblia na ginagamit ng iba upang patunayang tama ang kanilang paniniwalang si Cristo ang tunay na Diyos. Sumasang-ayon kaya ang mga kinikilala nilang iskolar ng Biblia na ang mga talatang ito ay mapagbabatayan sa pagtuturong si Cristo ay Diyos?


I Juan 5:20
“At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo’y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.”

Kung ang tatanungin ay ang mga iskolar ng Biblia na mula rin sa mga samahang panrelihiyon na nagtataguyod ng aral na si Cristo’y Diyos, ano kaya ang masasabi nila matapos nilang suriin ang talatang ito? Ganito ang patotoo ng isang komentarista at ministrong Protestante na si William Loader:

“3. [I Juan] 5:20-21. Pagkilala sa tunay na Diyos; pag-iwas sa idolatriya. Sa [manuskritong] Griyego ng 5:20 ay nakalagay lamang ang (isang) totoo at literal na mababasang: ‘nalalaman natin na naparito ang Anak ng Diyos, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa’, upang ating makilala siya na (isang) totoo, at tayo’y nasa kaniya na (isang) totoo’, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. ‘Ito ang (isang) tunay na Diyos, at ang buhay na walang hanggan’. Malinaw dito na [sa buong sipi], ang (isang) totoo ay ang Diyos. Si Cristo ay ang kaniyang Anak. Sa huling pangungusap, ang (isang) ito ay natural lamang na tumutukoy pa rin sa Diyos, hindi kay Cristo, gaya ng iminumungkahi ng iba…” (The Johannine Epistle, p. 79.)1*

Maliwanag na ayon kay William Loader, ang Ama, hindi si Cristo, ang tunay na Diyos na tinutukoy sa I Juan 5:20. Ang pahayag niyang ito ay kasang-ayon ng pagtuturo ni Cristo na ang Ama ang dapat makilala na iisang tunay na Diyos:

“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.” (Juan 17:3)



I Juan 5:7
“For there are three that bear record in heaven, the Father, the Word, and the Holy Ghost: and these three are one.”
[Sapagkat may tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.] (King James Version)

Ayon sa ibang mga nagtataguyod ng aral na si Cristo’y Diyos at ng doktrina ng Trinidad maliwanag daw sa talatang ito na ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo ay iisa. Ito raw ang katunayan na ang iisang Diyos ay may tatlong Persona at ang bawat persona ay tunay na Diyos. Si Cristo raw ang ikalawang persona, kaya, si Cristo ay tunay na Diyos.

Subalit dapat pansinin na walang sinasabi sa talatang ito na ang Diyos ay may tatlong persona. At lalong walang sinasabi na si Cristo ay Diyos.

Hindi lamang iyon, ang nilalaman ng I Juan 5:7 ng King James Version ay hindi mababasa o wala sa ibang salin ng Biblia. Napatunayan ng mga nagsuri na ang nakasaad sa talatang ito ay huwad – wala sa mga sinaunang manuskrito o sipi ng Biblia. Alinsunod sa iba pang nagsuri, ang nilalaman ng I Juan 5:7 sa King James Version ay idinagdag lamang noong ikalimang siglo. Tunghayan natin ang pahayag ng isang teologong Katoliko na si Hans Kűng:

“… Ang pinakamalinaw na patotoo, ang tanyag na Johannine Comma, na ipinagtanggol ng mga awtoridad Romano bilang tunay hanggang sa pagpasok ng panibagong siglo, na isang ‘pagdaragdag’ sa mga epistola ni Juan, tungkol sa Ama, Salita, at Espiritu, na iisa, ay karaniwan nang itinuturing ngayon bilang huwad (na nagmula sa Hilagang Aprika o España noong ikatlo o ikaapat na siglo).” (On Being a Christian, p. 472)2

Maging ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabing ang talatang ito ay hindi matatagpuan sa mga matatandang sulat-kamay na Griyego:

“Ang Comma (talata) ay wala sa lahat ng matatandang manuskritong Griyego ng BT [Bagong Tipan] maliban sa apat na bagu-bagong manuskrito na nasusulat mula ika-13 hanggang ika-16 na siglo. Ang Comma ay hindi kasama sa matatandang bersiyon sa Silangan tulad ng Peshitta, Philoxenian, Coptic, Ethiopic, at Armenian … Wala nang iskolar na tumatanggap na ito ay tunay.” (vol. 7, p. 1004)3

Malinaw na ang I Juan 5:7 ay hindi dapat ibigay na katunayan na si Cristo ay Diyos.



II Pedro 1:1
“Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo.”

Sa talatang ito ay tinawag daw ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos at Tagapagligtas. Ngunit tinaggihan ng isang iskolar ang ganitong pagkaunawa sapagkat ayon sa kaniyang pag-aaral, ang talatang ito ay katulad din ng nasa Tito 2:13 na dalawa ang tinutukoy. Tunghayan natin ang kaniyang paliwanag:

“Sumusunod, sa mga salitang, ng ating Diyos at [ating] Tagapagligtas na si Jesucristo, ay ipapakahulugan ko, tulad ng Tito 2:13 [ kung saan, tingnan ang nota] na ang ating Diyos ay tumutukoy sa Ama, at ang [ating] Tagapagligtas na si Jesucristo ay tumutukoy sa Anak. Dito ay may karagdagang konsiderasyon na pabor sa ganitong pananaw, na ang Dalawa ay maliwanag na magkaiba sa susunod na talata.” (The New Testament for English Readers, p. 1671)4

Ayon naman kay Karen Armstrong, na isang dating madre ng Iglesia Katolika, hindi tinawag ni Apostol Pedro si Cristo na Diyos. Tunghayan natin ang kaniyang pahayag:

“… Hindi ipinahayag ni Pedro na si Jesus na taga-Nazaret ay Diyos. Siya ay ‘tao, na pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya nang siya ay nasa gitna ninyo’.” (A History of God, p. 107)5

Samakatuwid, inaamin maging ng mga naniniwala at dating naniniwala na si Cristo’y Diyos na ang II Pedro 1:1 ay hindi nagpapatunay sa kanilang pinaniniwalaan.



I Timoteo 3:16
“And without controversy great is the mystery of godliness: God was manifest in the flesh, justified in the Spirit, seen of angels, preached unto the Gentiles, believed on in the world, received up into glory.” [At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan: Ang Diyos ay nahayag sa laman, pinapaging-banal sa Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga Gentil, sinampalatayanan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.] (KJV)

Inuunawa ng iba ang talatang ito na si Cristo raw ay Diyos na nagkatawang-tao. Tama kaya ang pagkaunawang ito? Tunghayan natin ang pahayag ng mga nagsuri sa talatang ito. Ayon sa The International Bible Commentary, ang salitang “Diyos” sa mga katagang “Ang Diyos ay nahayag sa laman” na siyang pagkakaliwat sa King James Version ay mali. Ang dapat daw na ginamit ay ang panghalip na “Siya” sa halip na ang salitang “Diyos”:

“Ang panghalip na Siya kung saan ang himno ay nagsisimula, ay dapat unawaing tumutukoy kay Cristo. Ang pagbasang Griyego na pinagbabatayan ng salin sa AV [Authorized o King James Version] na ‘Diyos’ ay halos tiyak na mali …” (p. 1479)6

Ganito rin halos ang sinasabi sa iba’t ibang komentaryo ng Biblia:

“3:16 Ang pinakamatatandang tekstong Griyego ay nagsasaad ng ‘Siya’ sa halip na ‘Diyos’. Ang sumusunod na anim na parirala ay tila sinipi mula sa isang matandang himnong Cristiano …” (The Criswell Study Bible, footnote)7

“… Sa pinakamahuhusay na manuskrito ay mababasang ‘Siya’, na tumutukoy kay Cristo. Siya ay pinapaging-banal sa pamamagitan ng paraan ng paggawa sa kaniya ng Espiritu.” (The Westminster Study Edition of the Holy Bible, footnote)8

Malinaw sa maraming patotoo na sinipi natin mula sa mga iskolar ng Biblia na hindi dapat pagbatayan ang I Timoteo 3:16 sa paniniwalang si Cristo ay Diyos na nagkatawang-tao.

Ayon kay John Wycliffe, ang salitang “siya” sa I Timoteo 3:16 ay tumutukoy kay Cristo at ang salitang “laman” ay tumutukoy sa pagiging tao ni Cristo. Tunghayan natin ang kaniyang pahayag:

“… Ang konteksto ay malinaw na nagpapakita na ang tinutukoy ni Pablo ay si Cristo kapag sinasabi niyang: Siya na nahayag sa laman (ASV) [American Standard Version] … Lahat ng pangunahing salita ay nauulit sa ibang mga sulat ni Pablo. Laman. Madalas na binibigyang-diin ni Pablo ang pagkatao ni Cristo sa pamamagitan ng paggamit ng salitang ito (Roma 1:3; 8:3; 9:5; Efe. 5:15; Col. 1:22; Heb. 5:7; 10:20)…” (The Wycliffe Bible Commentary, p. 1375)9

Tunay na si Cristo ay nagtaglay ng mga katangiang di taglay ng ibang tao (Gawa 2:36; 5:31; I Tim. 2:5; Efe. 1:20-22; Filip. 2:9-11) subalit, nananatili ang katotohanang tao ang Kaniyang likas na kalagayan at hindi Siya ang tunay na Diyos (Juan 8:40; I Tim. 2:5; Mat. 1:20; Ose. 11:9; Ezek. 28:2). At gaya ng ating napatunayan sa ating pagsusuring ito, mismong mga iskolar na mula sa mga samahang nagtataguyod ng aral na si Cristo’y Diyos ang nagsasabing ang mga talatang diumano’y nagpapatunay sa pagiging-Diyos ni Cristo ay hindi sang-ayon sa Biblia at, kung gayon, ay hindi wastong gamiting batayan sa pagtuturo ng gayong maling paniniwala.



ENDNOTES:


1“3. 5:20-21. Knowing the true God; avoiding idolatry. The Greek of 5:20 has only the true (one) and reads literally: ‘we know that the Son of God has come and has given us understanding’ so that we know the true (one) and we are in the true (one)’, in his Son Jesus Christ. ‘The (one) is the true God and eternal life.’ It is clear from this that ‘the true (one)’ is God throughout. Christ is his Son. In the final sentence this (one) most naturally refers still to God, not to Christ, as some have suggested.” (Loader, William. The Johannine Epistle. London: Epworth Press, 1992.)


2 “… The clearest testimony, the famous Johannine Comma, defended as authentic by the Roman authorities up to the turn of the century, an ‘interpolation’ into the first epistle of John, about Father, Word and Spirit, who are one, is generally regarded today as a forgery (originating in North Africa or Spain in the third or fourth century.” (Kűng, Hans. On Being a Christian. New York. Pocket Books, 1976.)


3 “The Comma is absent in all the ancient Greek manuscripts of the NT with the exception of four rather recent manuscripts that date from the 13th to 16th centuries. The Comma is lacking in such ancient Oriental versions as the Peshitta, Philoxenian, Coptic, Ethiopic, and Armenian … No scholar any longer accepts its authenticity.” (New Catholic Encyclopedia, vol. 7. Washington, D.C.: The Catholic University of America, 1967.)


4“Next, in the words, of our God and [our] Saviour Jesus Christ, I would interpret, as in Titus ii, 13 [where see note] our God of the Father, and [our] Saviour Jesus Christ of the Son. Here, there is the additional consideration in favour of this view, that the Two are distinguished most plainly in the next verse.” (The New Testament for English Readers, vol. 4. Grand Rapids, Michigan: Baker Book House, 1983.)


5 “… Peter did not claim that Jesus of Nazareth was God. He ‘was a man, commended to you by God by the miracles and portents and signs that God worked through him when he was among you…” (Armstrong, Karen. A History of God. London: Mandarin Paperbacks, 1994.)


6 “By the pronoun He with which the hymn opens, is to be understood, Christ. The Greek reading which underlies the AV translation ‘God’ is almost certainly wrong …” (Bruce, F.F., General Editor. The International Bible Commentary. Grand Rapids, Michigan: Zondervan Publishing House, 1986.)


7 “3:16 The earliest Greek texts have ‘He’ rather than ‘God’. The six phrases which follow appear to be a quotation from an early Christian hymn…” (Criswell, W. A., Ph.D., ed. The Criswell Study Bible. Nashville: Thomas Nelson, Pubs., 1979.)


8 “… The best manuscripts read, ‘Who’, referring to Christ. He was justified by the way the Spirit worked in him.” (The Westminster Study Edition of the Holy Bible. Philadelphia: The Westminster Press, 1968.)


9 “The context makes it plain that Paul is referring to Christ when he says: He who was manifest in the flesh (ASV) … All the leading words occur elsewhere in Paul’s writings. Flesh. Paul frequently emphasizes the humanity of Christ by the use of this word (Rom 1:3; 8:3; 9:5; Eph 5:15; Col 1:22; Heb 5:7; 10:20)…” (Pfeiffer, Charles F. and Everett F. Harrison, eds. The Wycliffe Bible Commentary. Chicago: Moody Press, 1990.)

* NOTA: Lahat ng sinipi mula sa mga reperensiyang Ingles ay isinalin sa Filipino. Sadyang nilagyan ng diin ng may akda ang ilang bahagi ng mga siniping reperensiya.